Filtered By: Topstories
News

Virgilio Almario, kinastigo si Teddy Locsin sa 'pagmaliit' sa wikang Filipino


Pinuna ng National Artist at kasalukuyang tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na si Virgilio Almario ang ginawang pagmamaliit umano ng mamamahayag na si Teddy "Boy" Locsin" sa wikang Filipino kaugnay ng nakaraang debate ng mga kandidatong pangulo.

Sa isang post ni Almario na KULO AT KOLORUM (80), sinabi nito na inuulit lang ni Locsin ang dati nang paniwala umano ng mga Inglesero laban sa wikang Filipino na mahina itong wika at hindi puwedeng gamitin sa mga usapang intelektuwal.

"Lumilitaw uli ang pangil ng kaibigang Teddy Boy Locsin," panimula ng KWF chairman sa kaniyang pahayag. " Para sa kaniya, at sa mga tulad niyang Inglesero, ang Ingles lámang ang pinakaperpekto at pinakamahusay na lengguwahe sa mundo. At iyon ang malaking problema para sa kaniya."

Giit ni Almario, walang wika na nakahihigit sa ibang wika. Sa halip, ang antas ng pag-unlad umano ng bawat wika ay nadepende sa gumagamit.

 

 

Please read and REPOST our reply to Teddy Boy Locsin's misinformed rant against what he calls as Tagalog, as used in...

Posted by Tanggol Wika on Sunday, March 20, 2016

 

Hindi umano dapat isipin na ang debate ay angkop lang sa wikang Ingles.

"Ni hindi yata alam ni Teddy Boy na nagdedebate halos linggo-linggo ang mga tao sa barberya, sa kanto, palengke, at kahit sa mga karihan. At nagiging napakainit ang kanilang bakbakan, nagiging mahayap ang palitan ng mga salita, kung minsan ay nauuwi sa suntukan (at tagaan), at hindi Ingles ang kanilang ginagamit na wika," ayon pa kay Almario.

Una rito, sinabi sa isang post ni Locsin na hindi raw dapat hayaan ang paggamit ng Tagalog sa debate, as it is "so long, so bullshitty, so useless a tongue for debate."

Dagdag pa niya, ang balitaktakan nina Sen Grace Poe at dating Interior secretary Mar Roxas, "is lousy because they used too much Tagalog, a language inappropriate to pointed debate, circular shitty."

Pero para kay Almario, mas epektibo ang debate sa wikang Filipino dahil higit na nauunawaan ito ng mas maraming Filipino.

"Mas nagkakaintindihan silá, mas tumatalab ang insultuhan, mas mabilis ang sagutan. Hindi 'circular shitty,' katulad ng mga debate sa Batasan dahil naghihirap umi-Ingles ang mga kongresman at senador," paliwanag ni Almario sa mga nagdedebateng Pilipino.

Dagdag pa ng national artist, nagiging “circular shitty” ang debate dahil sa mga nagdedebate at kanilang mga sinasabi, at hindi dahil sa wikang ginagamit.

"Salamat at hindi siyá sinunod nina Mar at Grace," ani Almario tungkol kay Locsin.

Samantala, ipinaliwanag din ni Almario na ang kaniyang pahayag ay sarili niyang opinyon at hindi sa KWF, maliban kung kaniyang isasaad.

Nauna nang nagpahayag ng pagkainis ang Tanggol Wika o Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino laban kay Locsin, at iginiit nila na dapat humingi ng paumanhin ang dating kongresista ng Makati. -- FRJimenez, GMA News