Filtered By: Topstories
News

'Shabu tea' na aabot sa P6 milyon, nasabat sa buy-bust operation sa Cebu


Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon na itinago sa mga pakete ng tsaa sa Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing tumitimbang ng may isang kilo ang nasabat na shabu sa buy bust operation na isinagawa sa Lapu-lapu City.

Naaresto sa naturang operasyon si Rogelo Romo, alyas Roger, 56-anyos.

Ayon sa mga awtoridad, dalawang linggo nilang tiniktikan ang galaw ng suspek bago isinagawa ang operasyon.

Inilagay daw sa pakete ng tsaa ang droga na pinaniniwalaang galing sa China para madaling maipuslit sa iba't-ibang lugar.

Bukod sa droga, may nakumpiska ring mga bala ng M-16 rifle sa suspek, na tumangging magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News