Filtered By: Topstories
News
ENGINE AT CHASSIS NUMBER, MAGKAIBA

LTFRB, nabisto ang tunay na edad umano ng nadisgrasyang Bus No. 8 sa Tanay


Natuklasan umano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang tunay na edad ng Bus No. 8, ang bus ng Panda Coach na naaksidente na ikinamatay ng 15 katao sa Tanay, Rizal nitong Lunes.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagtipon-tipon sa pinangyarihan ng trahediya para nag-alay ng panalangin ang mga opisyal ng LTFRB, Land Transportation Office, ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Tanay, at ang mga sundalo ng 2nd Infantry Division at iba pang mga na unang rumesponde sa sakuna.

Ang LTFRB, lalo raw tumibay ang determinasyon na ipatupad ang modernisasyon sa public transportation dahil lumalabas na hindi umano 2004 model ang naaksidenteng bus tulad ng nakasaad sa rehistro nito.

Lumilitaw umano sa imbestigasyon na magkaiba ang engine at chassis number ng bus.

"This appears to be a different chassis and different engine put together in one bus," ayon kay Aileen Lizada, Board Member, LTFRB.

"The production date for both... the year is 1988 so this is a 29 year old bus," dagdag niya.

Tumanggi naman muna ang abogado ng Panda Coach na magkomento sa naturang usapin.

Ayon sa ulat, sa ilalim ng panuntunan ng LTFRB,  hanggang 15 taon lang ang puwedeng gamiting public utility buses.

Malaking katanungan umano ngayon kung ilan pa ang mga pumapasadang bus sa bansa na lampas na sa itinatakda ng panuntunan sa edad ng bus.

Nagiging kalakaran umano sa pagpaparehistro na inilalagay na year model ang taon kung kailan ito na-import sa bansa, na karaniwan naman daw na inangkat bilang surplus, dagdag pa sa ulat.

Naniniwala naman si LTFRB chairman Martin Delgra, na may kaugnayan ang sobrang kalumaan ng bus sa naganap na trahediya.

"Yung nangyari na trahedya na 'yan because the bus that was used was very old. And that's the reason why we need to modernize our public transportation system." anang opisyal.

Samantala, pinag-aaralan na umano lokal na pamahalaan ng Tanay ang ilang remedyo sa sinasabing accident prone area kung saan naaksidente ang Bus No 8.

Nakatakda namang magharap-harap sa pagdinig sa Martes ang mga kaanak ng mga biktima, kinatawan ng Bestlink College of the Philippine, ang Panda Coach, at ang Harana Tours. -- FRJ, GMA News