Filtered By: Topstories
News

Bongbong, puwede raw tumanggap ng Cabinet post nang 'di iniuurong ang poll protest vs Robredo


Inihayag ng abogado ni dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maaaring tumanggap ng posisyon sa administrasyong Duterte ang kaniyang kliyente nang hindi nito iniuurong ang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa isang media forum sa Quezon City nitong Sabado, ginawang halimbawa ni Atty. Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ni Marcos, ang sitwasyon noon ng protesta ng namayapang si Senador Miriam Defensor-Santiago, laban sa nakalaban niya sa panguluhang halalan na si dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1996.

Idineklara ng Presidential Electoral Tribunal (na binubuo ng mga mahistrado ng Korte Suprema) na "moot and academic" ang protesta.

"Ang sinasabi ng Korte Suprema doon ay applicable lamang kapag ikaw ay muling kumandidato, nag-file ka ng certificate of candidacy, nanalo ka at nag-assume ka ng posisyon. Pero hindi po kapag ikaw ay in-appoint," paliwanag ni Rodriguez.

"So klaro po 'yon 'pag appointment, wala pong conflict, only in cases of filing of a certificate of candidacy or sitting in an elective post, whether for the same position, higher position or lower position... He is very well free and he can legally accept any appointive position if and when offered by President Duterte," dagdag niya.

Gayunman, lininaw ni Rodriguez na walang inaalok na posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kay Marcos.

"Just to make it clear, ito po ay wala pang ganitong pag-uusap, wala pang offer o alok na nanggagaling sa Malacañang o kay Pangulong Duterte. But again, hypothetically, klaro na pong sinagot ni Senador Marcos 'yan na... who is he to say no to President Duterte and he cannot turn his back to the Filipino people if he's called upon to serve in an appointive position'," paliwanag ng abogado.

"Nakakatuwa lamang na every time mayroong fourthcoming appointment or perceived vacancy in the Cabinet of President Duterte, top of mind ang pangalan ni [former] Sen. Marcos. Ibig sabihin, he is qualified, competent to assume whatever position that the President may offer him at all," dagdag niya.

Una rito, sinabi ng kampo ni Robredo na dapat iurong ni Marcos ang protesta nito sa sandaling tumanggap ng posisyon sa administrasyong Duterte.

“Talagang qualified naman siya na tumanggap ng anumang posisyon. But he runs the risk na ma-dismiss ang kaniyang protesta sapagkat may basehan tayo na sabihin na kapag siya ay tumanggap ng ibang position, that constitutes an abandonment—tinatalikuran na niya ‘yung kaniyang protesta. Kasi paano niya maasikaso ‘yung kaniyang protesta kung meron siyang ibang posisyon?” paliwanag ni Romulo Macalintal, abogado ni Robredo sa nakaraang ulat ng GMA News "Unang Balita."

READ: Robredo lawyer: Bongbong abandons poll protest if he accepts Cabinet post

Gayunman kung pagbabatayan ang sitwasyon noon ni dating Sen. Mar Roxas, hindi nito iniurong ang poll protest laban sa nakalaban niya at nanalong si dating Vice President Jejomar Binay, nang tanggapin ng una ang posisyon bilang kalihim ng Department of Transportation and Communication, at kinalaunan ang Interior and Local Government sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Naglaban sina Roxas at Binay sa posisyon ng bise presidente noong 2010 elections.

Tuluyan lang ibinasura ng PET ang protesta ni Roxas laban kay Binay noong Agosto 2016 nang manalo bilang bise presidente sa idinaos na May 2016 poll si Robredo.

Sa nasabing halalan noong May 2016, muling naglaban sina Roxas at Binay sa posisyon ng pagkapangulo pero kapwa sila natalo kay Pangulong Duterte.

READ: PET dismisses Roxas’ protest vs. Binay’s vice presidential win in 2010

Umaabot lang sa 263,473 boto ang naging kalamangan ni Robredo kay Marcos, na nagrereklamo ng dayaan sa nakaraang halalan.

Kamakailan lang, inatasan ng PET ang magkabilang panig na magbayad ng P81.46 milyon para sa gagawing proseso ng muling pagbilang sa mga inirereklamo nilang mga boto. — MDM, GMA News