Filtered By: Topstories
News

Piloto ng Air Force at 2 kasama, patay sa chopper crash sa Tanay


Tatlo katao ang nasawi at isa pa ang nasugatan nang bumagsak ang military helicopter na ginagamit sa rescue operation training sa Tanay, Rizal nitong Huwebes ng hapon, ayon sa isang Army official.

Ayon kay Lt. Xy-zon Meneses, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division ng Army, naganap ang insidente dakong 3 p.m.

Nasawi sa aksidente ang piloto at dalawa nitong crew, habang dinala sa AFP Medical Center para magamot ang sugatang kasama.

Sakay ang mga biktima ng bumagsak na UH-1D helicopter, ayon kay Meneses.

Hindi na muna isinapubliko ni Meneses ang pangalan ng mga biktima dahil hindi pa nasasabihan ang mga pamilya.

Ayon kay Meneses, ginagamit ang helicopter sa air to ground and disaster rescue operation training (AGOS) para sa 60 military personnel ng 2ID at 12 police personnel mula sa Region 4A.

"Dito sa Camp Capinpin ang training venue. Tapos na yung practical exercise nila for the day kaso nag-trouble ‘yung isang chopper nung pa-landing," anang opisyal.

Dahil sa nangyari, iniutos ni Air Force spokesman Col. Antonio Francisco, na hindi muna gagamitin ang lahat ng UH-1D helicopters habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

"That's part of the standard operating procedure until we finish the investigation, or we find out the cause," aniya. "We are conducting thorough inspection of the aircraft."

Ang bumagsak na helicopter ay isa sa pitong refurbished UH-1Ds na nakuha sa pamamagitan ng Rice Aircraft Services (Rice) na bahagi ng AFP Modernization Program.

Noong Nobyermbre 2015, isang UH-1D chopper din ng Rice ang bumagsak sa Sarangani, na nagresulta sa pagkakasugat ng 2 piloto at pito nitong sakay.— FRJ, GMA News