Filtered By: Topstories
News

Ama, galit na sumugod sa internet cafe na tambayan ng anak na inuumaga sa online games


Galit na sumugod ang isang ama sa isang internet cafe sa Pagadian City at tinutukan nito ng baril at sinaktan ang isang empleyado ng establisimyento.  Nagalit umano ang ama na isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil inuumaga doon ang kaniyang anak sa paglalaro ng online games.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nakunan sa CCTV camera ang pagsugod at pagtutok ng baril ni Pedrito Suano Jr., sa kahero ng internet cafe na si Jonathan Tibudan nitong Martes.

Papaalis na si Suano pero sinipa pa nito nang patalikod ang biktima.

Paglabas ng internet cafe, pinagdiskitahan naman ni Suano ang isang nakatambay at hinampas sa likod.

Naipa-blotter sa pulisya ang ginawa ni Suano na ahente ng PDEA-Zamboanga del Sur, na naka-base sa Pagadian City.

Sinasabing nagalit umano ang suspek sa biktima dahil laging naglalaro ng online game sa naturang internet cafe ang anak nito at inaabot hanggang madaling araw.

Ayon sa may-ari ng internet cafe, humingi na sa kanila ng paumanhin si Suano pero desidido silang sampahan ito ng reklamo.

Wala pang pahayag ang suspek sa pangyayayari. -- FRJ, GMA News