Inihayag ni BUHAY party-list Representative Lito Atienza nitong Miyerkules na minsan nang sinabi sa kaniya ni dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos na mayroong tinatayang 7,000 toneladang gold bars ang kaniyang pamilya.

Ang pahayag ay ginawa ni Atienza, dating alkalde ng Maynila, kasunod ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa umano ang pamilya Marcos na ibalik ang sinasabing mga nakatagong-yaman.

Gayunman, hindi isiniwalat ni Duterte kung sino sa pamilya Marcos ang kaniyang nakausap at kung kailan nangyari ang pag-alok na ibabalik ang mga tagong-yaman.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Atienza na, "When I was mayor, sinabi niya [Imelda] gusto kong ibalik 'yung gold dito, ibigay sa gobyerno para mapawi na lahat ng utang natin."

"Sabi ko, why don't you do it? Sabi niya humahadlang ang isang superpower, hindi naman maigalaw ang gold. Nakadeposito sa maraming lugar sa buong mundo," dagdag niya.

Ayon kay Atienza, sinabi umano ni Marcos na aabot sa pitong tonelada ang gold bars.

"Seven thousand tons? Sana this time, makuha niya yung inaalok ni Mrs. Marcos nun. Kapag inaalok ngayon ay mapakinabangan naman ng bansa ito," anang kongresista.

Umaasa si Atienza na makabubuting ituon ang atensyon sa pagbawi ng mga tagong-yaman sa halip na mga usapin na nakaugnay dito.

"Kunin na lang natin 'yung ginto at magamit ng Pilipinas dahil you can even imagine the value of those gold bars which they claim they have," ani Atienza.

"I announced it in light of all these developments, and we wish President Duterte all the best. Sayang naman ang perang 'yan. Thirty-one years have passed and wala man lang na-prosecute," dagdag niya.

Sa talumpati nitong Martes, sinabi ni Duterte na ipinaliwanag ng kaniyang kausap na itinabi ang kayamanan para magamit sa ekonomiya kapag nakabalik sila sa kapangyarihan.

“Sabi nila, isauli nila para walang ano—and the only reason, sabi nila, was the father was just protecting the economy for the [eventuality] na umalis siya. He thought of regaining the Malacañang, that is why ganito ang lumabas na parang naitago,” ayon sa Pangulo.

Matapos ang may 20 taong pananatili sa kapangyarihan, napatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng people power revolution noong 1986.— FRJ, GMA News