Filtered By: Topstories
News

Lalaki, nanghataw ng dos por dos at nangaladkad ng aso na pagala-gala raw


Hindi na pantay ang mga mata, may bukol sa ulo at dumudugo ang ilong ng isang aso matapos itong hatawin ng dos por dos ng isang lalaki sa Tondo, Maynila.

Depensa ng lalaki, pinrotektahan niya lang ang mga residente para hindi sila makagat ng "asong gala."

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita sa CCTV na wala nang malay ang aso nang kaladkarin ng lalaki sa Barangay 163, Tondo, Maynila.

Bago ito, mabilis na nagtatatakbo ang aso nang makalabas sa bahay ng amo. Sinundan siya ng lalaki at doon na siya hinataw.

"Pinalo ng dos por dos sa ulo. Sa kasalukuyan po ngayon naka-dextrose yung aso, pinapagamot ng may-ari," ayon kay kagawad Ernesto De Jesus Jr.

Agad pinatawag ang lalaki ng mga taga-barangay. Kanyang giit, ililigtas lang niya ang mga residente mula sa aso.

Ngunit sinabi ng barangay na maaari siyang makulong dahil sa kanyang nagawa.

Sa kabila ng pagmamakaawa ng lalaki sa may ari ng aso, hindi ito pumayag, liban na lang kung sasagutin ng lalaki ang pagpapaospital sa aso.

"Nagkaharap sila. Ipakukulong na sana ni chairman yun kaya lang nagmakaawa, hanggang sa umabot sila sa ipagagamot na lang yung aso," ayon pa kay De Jesus.

Kasalukuyang pinapagamot ang aso sa bahay ng amo.

Ang sinumang mahuhuling nagmamalupit sa isang hayop ay pwedeng makulong ng hanggang dalawang taon at magmulta ng aabot sa P100,000, ayon sa Animal Welfare Act. — Jamil Santos/BAP, GMA News