Filtered By: Topstories
News

BOC, nagbabala laban sa mga ‘online love scammers’ na nangangako ng gift packages


Nagbabala sa publiko ang Bureau of Customs (BOC) hinggil sa mga nagpapanggap na "lover" online para makakuha ng pera. Ang mga nasabing scammer, pagbabayarin ang biktima para i-release raw ng Customs ang ipinapangako nilang gift package.

Nakatanggap ang ahensya ng report mula sa isang babae sa Pangasinan na naloko raw ng kanyang "sweetheart" na nakilala niya lang sa Internet. Ayon sa babae, kinaibigan at pinangakuan daw siya na bibigyan siya ng isang package ng mga mamahaling bag at gadget.

Sinabi ng babae na pinagbayad daw siya ng P30,000 sa isang Jenalyn Miranda para i-release ang kanyang package na nasa pangangalaga raw ng Customs, ngunit nang bayaran niya ang halaga sa pamamagitan ng money transfer, hiningian uli siya ng karagdagang P80,000.

"If things are too good to be true, get out, that's a trap," sabi ni Customs Commissioner Isidro Lapeña sa isang statement nitong Huwebes.

Ayon sa Enforcement and Security Service, ginagamit daw ng mga scammer na ito ang mga online dating sites at social media sites tulad ng Facebook at Twitter, o sa pamamagitan ng phone calls, text messages, at e-mails.

Bukod pa rito, pinapadalahan pa ang mga biktima ng mga pekeng resibo at tracking numbers ng mga packages.

"They would usually use the name of the bureau and pose as BOC employees who are asking money to shoulder the "duties and taxes" in exchange for the release of the package," sabi pa ni Lapeña.

Lumalabas sa datos ng BOC na nakatanggap ang BOC-CARES ng 1,263 report tungkol sa iba't ibang online scam mula Enero hanggang Setyembre 2017.

Kabilang sa mga ginagamit na pangalan ng mga scammer ang mga courier na SpeedEx Cargo, Speed Cargo, Global Express Cargo, Skyline Delivery Express, Express Cargo, Blue Express, Airtrack Cargo, United Global, Alpha Blink, Sky Express, Quick Cargo, Oceanic Delivery, ABC Cargo, Unifed, Link Up Freight, ECC Cargo, ACC Cargo, and Union Cargo.

Ang mga ito ay hindi kabilang sa Department of Trade and Industry-accredited de-consolidators list.

Sinabi ni Lapeña na nangongolekta ang BOC ng mga customs duties at taxes sa pamamagitan ng accredited agent banks (AAB) at hindi sa mga personal bank account or iba pang money transfer services.

"If in case a stranger texted or chatted you of an unclaimed package held by BOC, or there is money in the package, you can double check the existence of the package by reaching the BOC Helpdesk at 705-6000 or by sending us a message at our Facebook page Bureau of Customs PH,"sabi pa ni Lapeña. — MDM, GMA News