Naniniwala ang isang mambabatas na magagawan ng paraan ng gobyerno ang umento sa sahod ng mga guro, kahit na may pag-aalinlangan ang ilang mga miyembro ng Gabinete tungkol dito. 

Sa panayam ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles kay Act Teachers Party-list representative Antonio Tinio, sinabi rin ng mambabatas na "positive development" ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang sahod ng mga guro.

Matatandaang inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) at iba pang mga ahensya na humanap ng paraan  na magdagdagan ang sahod ng mga guro.

Ngunit ayon kay Tinio, may pag-aalinlangan ang DBM at pati na rin ang Department of Education (DepED), at sinabing well-compensated ang mga titser.

Hindi sang-ayon sa pahayag ng DBM at ng DepEd ang mambabatas. Nang tanungin kung magkano ang dapat na idagdag sa sahod, sinabi ni Tinio na dapat papantay ang starting na sahod ng mga guro sa starting salary ng mga pulis.

"Sa ngayon, ang starting ng mga pulis ay nasa P29,000. So, dapat ganun na rin ang benchmark," pahayag ni Tinio.

Kamakailan, ipinahayag ng DBM na hindi makakayanan ng pamahalaan ang panukala na doblehin ang sahod ng mga guro.

Ayon sa DBM, mangangailangan ang pamahalaan ng aabot sa P500 billion kada taon kung dodoblehin ang sahod ng guro, at walang mapagkunan ng pundo para dito.

Pero ayon kay Tinio, "basta pritority, kayang palitawin ang pondo gaya ng ginawang paraan sa sahod ng mga pulis." 

Ipinahabol pa ni Tinio na hindi lamang mga pulis at guro ang dapat may umento, kundi pati na rin ang lahat ng mga kawani ng pamahalaan. —LBG, GMA News