Nais ng isang kongresista na hingan ng paliwanag ang pamunuan ng Skyway O&M Corp. kaugnay sa nararanasang matinding traffic ng mga motorista sa Skyway na isinisisi sa bagong toll system.

Ayon kay Muntinlupa Representative Rozzano Rufino Biazon, maging siya ay nararanasan ang mabigat na daloy ng trapiko mula sa Muntinlupa patungo sa Batasan sa Quezon City.

Nitong Martes, ipinost ni Biazon sa kaniyang Facebook account ang nasaksihang insidente ng pagtatalo ng mga motoristang nakagitgitan sa skyway.

"This is the side effect of the new toll collection procedure on the Skyway which has caused heavy traffic from the runway toll plaza to past Bicutan near Sucat on the Northbound lane...tempers flare, aggression is heightened, road rage occurs and accidents happen," saad ng mambabatas.

Ipinost din ng kongresista ang inihanda niyang sulat para sa Skyway O&M Corporation upang hingan ng paliwanag ang pamunuan sa nararanasang kalbaryo ng mga motorista.

Idinaan naman sa social media posts ng ilang celebrity ang kanilang inis matapos maranasan ang matinding trapiko sa Skyway.

May ilang tumawag sa Skyway na bagong EDSA dahil sa nangyaring bigat ng daloy ng trapiko.

 

 


-- FRJ, GMA News