Kumpirmadong Filipina at nakilala na ang bangkay na nakita sa loob ng freezer sa isang inabandonang apartment sa Kuwait, ayon sa kalihim ng Department of Labor and Employment.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nakilala ang biktima na si Joanna Daniela Demafelis nang ipa-DNA test ang bangkay, ayon sa Twitter post ng Super Radio dzBB nitong Biyernes.

Una rito, iniulat na nadiskubre ng mga awtoridad sa Kuwait ang bangkay sa freezer nang isilbi nila ang court order upang paalisin ang nakatira sa Salmiya apartment.

Isang mag-asawa umano ang dating nakatira sa apartment at may kasamang kasambahay na Pinay.

Syrian umano ang babae at Lebanese ang mister nito.

Umalis umano ng Kuwait ang mag-asawa noong 2016 nang may lumabas na arrest warrant laban sa lalaki kaugnay sa kaso ng mga pekeng tseke. Suspek ngayon ang mag-asawa sa nakitang bangkay sa freezer. — FRJ, GMA News