Filtered By: Topstories
News

Corona trial, maaaring umabot ng anim na buwan — Jinggoy


Maaari umanong umabot ng anim na buwan ang pagdinig sa impeachment ni Chief Justice Renato Corona, ayon kay Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada sa panayam ng radio dzBB nitong Linggo. Ani Estrada, nakasalalay ang haba ng pagdinig sa ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, na binubuo ng ilang mambabatas mula sa Kamara.   “Tingin ko aabot ng anim na buwan ito,” sabi ni Estrada sa panayam, bagama’t dinagdag niya na posible ring matapos ang paglilitis sa loob lamang ng isa o dalawang buwan. Aniya, pinakamatagal nang pagtantiya ang anim na buwan. “Maximum ang sinasabi kong anim na buwan, pwedeng one month, two months, three months,” ani Estrada, anak ni dating Pangulong Joseph Estrada na sumailalim din sa impeachment noong 2000. Sisimulan ang impeachment trial kay Corona sa Enero ng susunod na taon matapos ang Christmas break ng Kongreso. Matatandaang inaprubahan ng Kamara nitong nakaraang Lunes ang impeachment kay Corona dahil sa umanoy graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust. Batay sa opisyal na bilang, 188 kongresista ang pumirma sa reklamo laban kay Corona. Ito ay humigit pa sa kinakailangang boto na 95 para dumiretso ang impeachment complaint sa Senado. Ayon kay Estrada, mas mabuti umano kung mas maiksi ang pagdinig upang maipagpatuloy na ng mga senador ang kanilang pangunahing trabaho na gumawa ng batas. Habang dinidinig ang impeachmeant ni Corona, isasagawa ang lawmaking sessions sa umaga. “Mas maiksi mas okay ... The earlier the better para makapagtrabaho kami,” ani Estrada. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News