Filtered By: Showbiz
Showbiz

Comedy King Dolphy, makulit pa rin, ayon kay Zsa Zsa Padilla


Hindi pa rin umano nawawala ang pagiging makulit ng Comedy King na si Dolphy. Ito ang inihayag ng kanyang partner na si Zsa Zsa Padilla kasabay ng pagtiyak sa mga fans ng aktor na maayos ang kalagayan nito. Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras, sinabi ni Zsa Zsa na patuloy ang pagpapalakas ni Dolphy matapos ang sunud-sunod na therapy. Sa katunayan, makulit pa rin daw ang komedyante at panay din ang pagpapatawa. Pabirong humihirit din daw ang comedy king na bumiyahe sa labas ng Pilipinas. “Wish niya ngang mag-Hong Kong ulit, eh, sabi ko, kapag makakayanan mo at kapag pinayagan tayo ng doctor, alis tayo," sagot ni Zsa Zsa. Kwento pa niya, pasaway din daw minsan ang comedy king lalo na pagdating sa pagkain. Nahilig daw si Dolphy sa lechon kawali at sinigang na baboy. Nagustuhan din daw nito ang lechon noong may nagpadala sa kanila. Hindi na lang daw pinapansin ng kanilang pamilya ang mga kumakalat na balita sa mga social networking site na pumanaw na ang comedy king. Sa halip na magalit, pinagtatawanan na lang daw nila ito. “Di ba, sabi nga nila kapag binabalitang ngang namamatay, lalong humahaba ang buhay. Kaya, thank you," ayon kay Zsa Zsa. Maging ang anak nilang si Zia Quizon ay nagugulat din kapag nakatatanggap na mga text messages ng pakikiramay sa kanya dahil sa akalang pagpanaw ng ama. Isang insidente umano ay nang pauwi si Zia galing sa Davao at mayroon nag-condolence sa kanya. Sagot naman daw ng dalaga: “Huh? My dad’s at home." -- Mac Macapendeg/ FRJ, GMA News