Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang lunas sa bulutong tubig o chickenpox?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Martel Vijay Cordero Manungay ng Facebook:

Ano ang mabisang gamot sa bulutong tubig o chickenpox?



Sagot:

Ayon kay Dr. Sharon Manansala, ang bulutong tubig o chickenpox ay isang viral infection na dulot ng tinatawag na varicella zoster virus. Lagnat ang unang sintomas nito na sinusundan ng pagtubo ng maliliit na butlig sa katawan.

“Hindi siya sabay-sabay lumalabas. In three to seven days, puwedeng magkaroon ng new lesions (o butlig),” paliwanag ni Dr. Manansala.

Nakahahawa ang bulutong tubig. Puwede itong maipasa ng isang taong kasalukuyang may bulutong tubig sa pamamagitan ng mga kamay at mga bagay na hinahawakan.

Mas lalu raw nakahahawa ang bulutong tubig kapag papagaling na ang taong may ganitong sakit.
“‘Yung five to seven days after the crusting of the lesion is the period of communicability,” dagdag ni Dr. Manansala.

Gaya ng ibang viral infection, kusang gumagaling ang bulutong tubig sa loob ng dalawang linggo. Gayunpaman, kapag mahina ang resistensya ng isang tao na dinapuan nito, maaari siyang makaranas ng mga komplikasyon.

“May contaminant cough ka, mahina immune system mo, puwede ka magkaroon eventually ng pneumonia,” paalala ng doktor.

Dapat ding tandaan na hindi gamot sa bulutong tubig ang anumang uri ng antibiotic. Inirereseta ito para sa bacterial infection at hindi para sa bulutong tubig na isang viral infection.

Ang maaaring inumin ng may bulutong tubig ay paracetamol para sa lagnat at antihistamine na para naman sa pangangati.

May mga pambihirang kaso ng bulutong kung saan tumutuloy ito sa lung o brain infection. Sa ganitong sitwasyon, mas makabubuting dalhin na sa ospital ang pasyente.

Para makaiwas sa bulutong tubig, inirerekomenda na ang pagpapabakuna kontra varicella zoster virus sa edad na isang taon. Makalipas ang tatlong buwan, kinakailangan na muli itong iturok sa pasyente. Booster dose ang tawag sa pangalawang pagturok.

Hindi na magkakaroon ng bulutong tubig ang taong kumpleto sa bakuna laban dito.Dadgdag na paalala ng “Pinoy MD” sa mga magulang: Isama ang inyong mga anak ngayong bakasyon sa pinakamalapit na health center o ospital para pabakunahan sila hindi lang kontra bulutong tubig kundi para sa iba pang mga karamdaman. —Rica Fernandez/CM, GMA News

Narito ang iba pang web exclusive articles mula sa "Pinoy MD":
Pinoy MD Question of the Week: Ano ang sanhi ng anemia?
Pinoy MD Question of the Week: Paano ginagamot ang luga?
Pinoy MD Question of the Week: Ano ang lunas sa urinary tract infection o UTI?