ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Basurang lumalason sa ating karagatan, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'


Lason sa Karagatan
Reporter's Notebook Summer Special
April 23, 2015


 
Minsan nang itinuring ang Pilipinas bilang center of marine biodiversity ayon sa pag-aaral ng mga marine biologist. Nailathala ito ng Philippine Environment Monitor at World Bank. Dito raw kasi sa bansa makikita ang pinakamaraming species ng yamang-dagat gaya ng mga isda at coral reef. Pero ang nakababahala, sa kabila ng natatanging yaman ng ating karagatan, tila patuloy naman ang pagkasira nito.



 
Sa pag-aaral na inilabas ngayong 2015 ng mga eksperto mula sa University of California, lumalabas na ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming basurang plastic na dumidiretso sa karagatan. Maaaring mula raw ito sa mga naiipong basura sa mga waterways o 'di kaya naman sa mga coastal community na nagtatapon ng basura sa dagat.
 
 
Tinungo ng Reporter's Notebook ang Verde Island Passage na tinaguriang center of the center of marine shore fish biodiversity. Sakop nito ang mga probinsya ng Occidental at Oriental Mindoro, Batangas, Romblon at Marinduque. Kasama ang ilang diver, nakunan ang ilang basurang plastic sa ilalim ng Verse island.

 
Isa pa sa tinutukan ng Reporter's Notebook ang Manila Bay na minsan nang ipinag-utos ng Korte Suprema sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan na linisin dahil sa taglay nitong polusyon at basura. Pero makalipas ang pitong taon, hindi pa rin ito tuluyang nalilinis. Mapanganib ang plastic dahil maaaring makain ito ng mga isda na puwede nilang ikalason o ikamatay. Minsan nang napadpad sa Manila Bay ang isang patay na butanding na nang buksan ang katawan ay may mga plastic na laman.
 
Paano sosolusyunan ang tila lumalalang problema sa basura sa dagat?
 
Huwag palalampasin ang Ikalawang bahagi ng Summer Special ng 2015 New York Festivals Bronze World Medal winner, Reporter's Notebook, ngayong Huwebes, 4:30 ng hapon pagkatapos ng Kailan Ba Tama ang Mali?