Bagong pa-contest ng 'Eat Bulaga' na 'FHHM,' layong maalis ang diskriminasyon sa mga chubby
Big hit tuwing tanghalian ang bagong pa-contest ng "Eat Bulaga" na "FHHM" o "For Healthy and Heavy Models," na ang mga nagpapatalbugan ay ang mga magaganda't hebigat na dabarkads.
Sa "Chika Minute" report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang batayan sa pagiging seksi, hindi na lang basta nadadaan sa liit ng baywang.
Bigatin man sa timbang ang mga kandidata, basta may kompiyansa sa sarili, pasok sa bagong segment na ito ng "Eat Bulaga."
Ang 26-anyos na si Catherine Villaluz, aminadong naging tampulan ng tukso noon at tinatawag na balyena, dambuhala, at lumba-lumba.
Aniya, dinamdam niya noon ang mga pang-aasar kaya kung anu-ano raw ang iniinom niya para pumayat.
Pero sa huli, hindi rin naman daw iyon naging epektibo.
Kaya nang tanghaling "FHHM" winner nitong Biyernes ng tanghali sa "Eat Bulaga," very thankful siya sa maganda at kakaibang oportunidad
Ayon sa EB dabarkads, maging sila proud sa konsepto ng bagong segment.
Tulad ng iba pang beauty contest, ganda, talino, postura at kumpiyansa sa sarili rin ang mga batayan
Layon daw ng segment na iwaksi na ang diskrimasyon sa mga chubby. -- FRJimenez, GMA News