Angelu de Leon at Bobby Andrews, balik-tambalan sa 'Buena Familia'
Excited na ang Kapuso actress na si Kylie Padilla sa kaniyang pagbabalik-teledrama sa pagbibidahang upcoming GMA soap opera na “Buena Familia.”
Ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa “Balitanghali” nitong Miyerkules, sinabing makakatambal ni Kylie sa nabanggit na soap sa unang pagkakataon ang 2015 Gawad Urian Best Supporting Actor na si Martin del Rosario.
Kahit unang pagkakataon nilang magkatrabaho, bilib na ang aktres sa bago niyang ka-love team.
“Magaling kasi si Martin so mararamdaman mo yung ibinibigay niyang emosyon sa'yo,” ani Kylie.
Matapos ang balitang breakup nila ni Matt Henares, nakatuon daw muna ang atensyon ni Kylie sa career lalo na ngayong dumarami ang kaniyang projects.
“I'm being blessed with a lot of work, so sabi ko, kaysa sa isipin ko 'yun, focus muna sa trabaho,” ayon sa Kapuso actress.
Angelu-Bobby team-up
Samantala, ikatutuwa naman ng fans ng sikat na 90s love team ang pagbabalik-tambalan nina Bobby Andrews at Angelu de Leon sa “Buena Familia.”
Bukod sa pagbibigay ng kilig throwback sa mga manonood, masaya rin daw ang dalawang batikang artista na magkasama muli lalo na at marami pa rin ang tumatangkilik sa kanilang loveteam matapos ang halos 20 taon.
Pahayag ni Bobby, “I'm so happy kasi after 20 years in this industry, I still get the chance to work with Angelu. Sa totoo lang, sa 20 years ko dito, masasabi ko siguro na si Angelu ang pinakamagaang kasama.”
“The nice thing about it is people still enjoy watching us together kaya siguro bumabalik pa rin kami into each other's arms,” ayon naman kay Angelu. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News