Filtered By: Showbiz
Showbiz
Mga anak, pumayag kaya?

Lotlot de Leon to marry Lebanese boyfriend


Inamin ng batikang aktres na si Lotlot de Leon na magpapakasal na sila ng kaniyang Lebanese boyfriend na si Fred El Soury.

Matatandaang lumabas ang balita tungkol sa pagkakaroon ng nobyo ni Lotlot noong 2013, at kinumpirma naman ito ng Kapuso actress na si Janine Gutierrez, ang panganay na anak niya sa aktor at dating asawa na si Monching Gutierrez.

Sa episode ng “Yan Ang Morning” nitong Martes, positibo ang naging reaksiyon ni Lotlot nang tanungin tungkol sa pagpapakasal nila ni Fred.

Aniya, “Maikli lang ang buhay. Stop the hate. Dapat lahat tayo ay nagmamahalan. Kapag may pagkakataon kayong magmahal, magmahal kayo nang magmahal. Walang masama doon.”

Masaya naman si Janine at ang kaniyang mga kapatid para sa kanilang ina.

Kuwento ng “Once Again” star, “Noong una, talagang nagseselos kami. Nasanay ako na talagang kami-kami lang ang magkakasama. Noong nagka-boyfriend si Mama, siyempre may bagong tao sa buhay namin. Protective rin kami sa kaniya. Gusto naming siguraduhin na okay talaga itong taong ito para sa kaniya. “

“Noong nakilala namin siya, talagang okay pala. Mabait, maalaga, at saka masaya ako kasi sigurado akong palaging may nagbabantay kay Mama ngayon,” dagdag pa niya.

Wala rin daw problema sa magkakapatid sakaling gustuhin ng kanilang ina at ng nobyo nito na magkaroon ng sarili nilang mga anak.

Taong 2008 nang maghiwalay sina Lotlot at Ramon Christopher, na mas kilala sa showbiz bilang si Monching. Halos 19 taon ang itinagal ng kanilang pagsasama.

Hindi pa man nakakausap ni Janine ang ama tungkol sa kasintahan ng kaniyang ina, sigurado raw ang Kapuso actress na masaya ito para sa dating asawa.

“Alam ko naman na kahit hiwalay na sila, they still care about each other and they still wish the best for each other,” ani Janine. -- FRJ, GMA News

Tags: lotlotdeleon
LOADING CONTENT