Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jaclyn Jose on Jake Ejercito: He's like a son to me, even before he was a father to Ellie


Kahit tila patuloy ang hindi pagkakaunawaan ng dating magkasintahang sina Andi Eigenmann at Jake Ejercito patungkol sa pagiging mga magulang sa kanilang 5-year-old daughter na si Ellie, tanggap raw ng batikang aktres at “D' Originals” star na si Jaclyn Jose ang papel ng binata sa buhay ng kaniyang apo.

Sa katunayan, magaan daw ang loob ni Jaclyn kay Jake dahil nasaksihan niya ang buhay nito mula pagkabata.

Aniya sa isang press conference nitong Miyerkules, “Everyone knows na I care for Jake. Maliliit pa lang sila—sabay nga kaming nagbuntis ng mommy niya. He is like a son to me ever since, bago pa siya naging daddy ni Ellie.”

Anoman ang pinagdaraanan nina Jake at Andi, hiling lang ng aktres na manatiling masaya at nasa mabuting kalagayan ang kaniyang apo.

“Mother knows everything, but it is not my story to tell. I will just let my daughter handle the situation na pinasukan niya... I'm not in authority to talk in behalf of my daughter and Jake. Nandito lang ako bilang lola kay Ellie. Hindi ko siya pababayaan,” ayon sa kaniya.

Dagdag pa ng award-winning actress, “I will support Ellie, with permission ni Andi. I want her na maging buong tao... Pakiramdam ko, lalaki ang apo ko na buo at masayahin dahil wala namang issue between the three of them.”

 

 

A post shared by Jane Guck (@jaclynjose) on

 

On joint custody

Kamakailan lang, naghain ng petition for joint custody si Jake upang maging legal ang visitation rights niya sa anak.

Ayon kay Jaclyn, hindi raw nila kailanman ipinagkait kay Jake at sa pamilya nito ang bata.

Pakiusap ng aktres sa lahat, iwasan na ang pagpapalaki sa mga isyu upang hindi maapektuhan ang paglaki ng kaniyang apo.

"Please let's not make this issue a circus because I'm going to fight for my granddaughter... I will never allow anyone to harm (her)," aniya.

Dagdag pa niya, “Napakatalino, napakaganda, napakabait, napaka-sweet at napaka-loving niya. Don’t ever take that away from my granddaughter—that sweetness, that love, that happiness.”

 

A post shared by Jake Ejercito (@unoemilio) on


Kabilang si Jaclyn sa mga bibida sa inaabangang GMA Afternoon Prime series na “D' Originals,” kasama sina Jestoni Alarcon, Katrina Halili, LJ Reyes, Mark Herras, Lovely Abella, Kim Domingo, Archie Alemania, Meg Imperial, Elyson de Dios, Mikoy Morales, Chlaui Malayao, at Arny Ross.

Mapapanood na ang pinakabagong Kapuso sexy drama-comedy series sa darating na Lunes, April 17. -- FRJ, GMA News