ALAMIN: Sino ang gustong makasama ni Maine Mendoza sa bakasyon sa Maldives
Pagkatapos ng "Destined To Be Yours," sisimulan na nina Maine Mendoza at Alden Richards ang bago nilang pelikula. Pero bago nito, nais ng Phenomenal Star na makapagpahinga at magtampisaw sa beach ng Maldives.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang masayang post birthday party na inihanda ng fans para kay Maine nitong Huwebes ng gabi.
Ang grupo ng mga tagahanga ni Maine na Titas of Maine ang nag-organisa ng event sa Manila Hotel na tinawag nilang "Denims and Diamonds; Sparkling @22."
Pagdating ni Maine, nagkagulo na ang fans at halos hindi matapos sa pagkuha ng larawan ng phenomenal star. Naghandog din sila ng mga sayaw at awitin para sa kanilang idolo.
"Sobrang nagpapasalamat naman po ako dahil super nag-effort po talaga sila. Ang dami rin pong nagpunta rito ngayon kaya maraming salamat po sa lahat ng mga organizer at sa nagpunta," anang dalaga.
Pagkatapos ng kanyang post birthday event, naghanda na siya para pumunta sa taping ng "Destined To Be Yours."
Ibinalita din ni Maine na malapit nang matapos ang kanilang serye ni Alden at sunod nito ay sisimulan na nila ang kanilang bagong pelikula.
Pero bago magsimula ang shooting ng pelikula, plano ni Maine na magbakasyon mula sa beach ng Maldives.
"Gusto ko pong magpunta sa Maldives na talaga. Gusto ko pong makapag-beach after 'Destined To Be Yours' para makapagpahinga, makapag-break bago po mag-start yung movie," aniya.
Nang tanungin kung sino ang gusto niyang makasama sa kanyang pagbabakasyon, natatawa at makahulugang tugon ng dalaga; "Siyempre po 'yung mga taong mahal ko... 'yung mga... you know [who]." -- FRJ, GMA News