AiAi Delas Alas, handang mag-'work to death' para sa mga anak
Hindi lang pang-camera ang pagiging mabuting ina ni AiAi Delas Alas sa mga pinagbidahan niyang pelikula. Dahil sa tunay na buhay, sinabi ng Kapuso star at Concert Comedy Queen na gagawin niya ang lahat para mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga anak.
Sa nakaraang episode ng programang "iJuander," sinabing mayroong apat na anak at isang adopted child si AiAi.
Ayon sa aktres, noon pa man ay pangarap na niyang magkaroon ng pamilya at maging isang mabuting asawa at ina.
Gayunman, nauwi sa hiwalayan ang mga naging relasyon ni AiAi at mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang mga anak.
"'Yan yung dream ko, mag-asawa, mag-alaga ng asawa, mag-alaga ng anak. Kaso ang nanagyari, ako yung naging breadwinner sa family," saad ng bida sa pelikulang "Mighty Yaya."
At kahit may apat na siyang anak, hindi pa rin tinanggihan ni AiAi nang ipaampon sa kaniya ang isang bata, na itinuturing niyang biyaya.
"Siguro para talaga sa akin si Seth kaya tinanggap ko ng buong puso. I think mayroon akong role sa pagkatao ni Seth," aniya.
Para sa kapakanan ng mga anak, gagawin daw niya ang lahat.
"Lahat, patol. Lahat ng raket, go. Hanggang ngayon ganun pa rin naman ako. Work, work to death," masayang pahayag ni AiAi.
"Gusto ko marami akong trabaho, dahil gusto kong mabigyan ng mabuting buhay ang mga anak ko," dagdag niya.
Panoorin ang buong panayam kay AiAi:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News