Jennylyn Mercado umalis patungong Canada bilang 'Steffi Chavez'
Mistulang si "Steffi Chavez" si Kapuso Ultimate Star Jennylyn Mercado nang umalis ng bansa patungong Canada.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, tila "in vibe" na ni Jennylyn ang karakter na si "Steffi" sa "My Love from the Star" dahil nakita siyang nakasuot ng leather jacket, denim pants at luxury brand boots with matching luxury bag nang dumating sa airport.
"Kasi para pagdating ko do'n sa Canada, makita ng mga Pilipino na in-character [ako]," sambit ni Jennylyn.
Career daw talaga para sa kanya ang bawat outfit na isinusuot sa primetime series.
May mga ilan na nanggagaya pa ng pagsusuot ng kanyang headband at pagra-rap bilang Steffi.
Hindi dapat palagpasin ang mga susunod na episode ngayong nagiging close na sina Steffi at Matteo Domingo na ginampanan ni Gil Cuerva.
"Marami pang dapat abangan. Sobrang dami pang kilig moments," anang aktres.
Biyaheng Toronto si Jen para makisaya sa Independence Day celebration ng mga kababayan doon, hatid ng GMA Pinoy TV, kung saan makakasama niya rin si Boobay. —Joseph Jamil Santos/ALG, GMA News