Filtered By: Showbiz
Showbiz

Diego, proud sa kaniyang 'Atlit' segment sa Bubble Gang: 'Akong-ako yun'



Wala na sigurong mas sasaya pa sa Bubble Gang mainstay na si Diego Llorico sa itinakbo ng gag show niya na malapit nang mag-celebrate ng 19th anniversary nito sa darating na Oktubre.
 
Mula sa pagiging production assistant ay nabigyan siya ng pagkakataon na lumabas at makilala sa telebisyon.
 
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Diego, hindi niya naitago ang lubos na kaligayahan na nanatili sa ere ang gag show. May sentimental value sa kanya ang Bubble Gang dahil una raw niyang show ito sa Kapuso network.
 
“Ngayon mas masaya kasi marami ng member tapos parang mas nagiging close sila sa isa’t-isa, sila talaga hindi ako kasama [laughs]. Tapos ako personally masaya din ako kasi ‘eto 'yung show na unang-una kong show sa GMA. Tapos hanggang ngayon buhay pa siya [Bubble Gang]. Sana magtagal pa.”
 
Alam ni Diego na hindi madaling maabot ang nagawa ng Bubble Gang kaya nanatili pa rin ang buong team na humble at down to earth. Aniya, may mga oras na nauungusan sila ng katapat nilang show sa kabilang network, pero nakakataba pa rin ng puso ang umaapaw na loyalty ng mga televiewers.
 
Saad ng Bubble Gang talent, “Mayroon mga time na minsan nakaka ano sila nakakasilat pero ayun nga nababawi din agad ng Bubble Gang. Siguro dahil ‘yung elements at 'tsaka ‘yung samahan nga [ng] mga artista nararamdaman ng mga tao 'yung saya kaya magandang maging Friday habit [ang Bubble Gang] talaga.”
 
Proud din si Diego sa kanyang segment na ‘Atlit.’
 
Sabi niya, “Sa ngayon 'yung ‘Atlit’ [laughs] siyempre ‘yun kasi akong ako ‘yun eh at 'tsaka ako 'yung ako lang talaga 'yung nakikita sa frame. Kaya atlit!”
Tags: diego, bubblegang