ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Derrick Monasterio on relationship with Bea Binene: ‘Hindi kami, pero parang kami’


Muling magtatambal ang Kapuso stars na sina Derrick Monasterio at Bea Binene sa upcoming Kapuso Pinoy superhero comedy adventure na "Tsuperhero," isang orihinal na konsepto mula sa Kapuso comedy genius na si Michael V.

Ilang beses man silang nagka-trabaho bago bumida sa nasabing programa, na magsisimula na sa darating na Nobyembre, aminado ang dalawa na mas malapit sila ngayon sa isa't isa.

Sa katunayan, hindi nila itinanggi na posibleng mauwi sa totohanan ang kanilang tambalan.

"Iba kami ni Bea, eh. Alam niyo 'yung hindi kami, pero parang kami? Minsan, natutulog pa ako sa lap niya. Ganoon talaga kapag close na kayo," kuwento ni Derrick sa naganap na press conference nitong Miyerkules.

Dagdag pa niya, "Iba 'yung tingin ko sa kaniya compared sa ibang loveteams ko. 'Yung iba parang super tropa. Siya, feeling ko,  may chance pa in the future."

Ayon naman kay Bea, "Nothing's impossible... Siguro masasabi ko na we are enjoying each other's company."

 

 

A photo posted by gmanetwork (@gmanetwork) on

 

Nagpapasalamat si Derrick sa pagiging supportive at malaagang ka-loveteam ni Bea, na nakakasama niya umano sa iba't ibang aktibidad maging sa likod ng camera.

Maliban sa mga taping, sabay na rin silang nagpupunta sa gym at namamasyal tuwing walang showbiz commitments.

Ayon sa Kapuso actor, "may kilig na" ang kanilang relasyon ngayon.

Aniya, "Wala na lang pressure, pero napansin ko na bago mag-umpisa ang show namin, may nag-iba. Dati, ang relationship namin, parang platonic. Ngayon, ewan ko—tine-text na niya ako, tine-text ko na siya. 'Ingat ka,' mga ganoon... Ginu-good luck niya ako."

"Ngayon lang kami mas nagiging close. Dati, hindi talaga kami nagte-text ni Bea. Pero ngayon, araw-araw kami magkasama, iba... Dito lang nag-umpisa, kahit nagkakasama na kami noon. Noong concert ko nga, hindi dapat siya pupunta, pero pina-cancel niya lahat ng lakad niya," kuwento pa ni Derrick.

Balak na bang manligaw ng Kapuso heartthrob sa kaniyang ka-loveteam?

Aniya, "Puwede. Feeling ko dadating 'yun, pero hindi ko pa alam kung kailan ang tamang timing. Girlfriend material si Bea. Adventurous siya and mai-inspire ka niya."

"'Yung ginagawa namin ngayon, parang 'yung mga ginagawa na ng couples. We go out together. Marami kaming ginagawa na pang-couple na talaga," dagdag pa niya.

 

 

A photo posted by GMA Artist Center (@artistcenter) on

 

Kasama nina Derrick at Bea na bibida sa "Tsuperhero" sina Gabby Concepcion, Alma Moreno, Miggs Cuaderno, Analyn Barro, at Jemwell Ventanilla.

Mapapanood rin sa programa ang ilan sa magagaling na komedyante, kabilang sina Betong Sumaya, Philip Lazaro, Valentin, Kuhol, at marami pang iba.

Masasaksikhan ang adventures ni "Tsuperhero" tuwing Linggo sa GMA Sunday Grande simula sa darating na Nobyembre. — RSJ, GMA News