Sen. Santiago, pinayuhang umiwas muna sa pulitika
Pinayuhan ng kanyang mga duktor si Senator Miriam Defensor-Santiago na lumayo mula sa pulitika habang nagpapagaling matapos makaranas ng mild stroke at hypertension nitong Miyerkules na dahilan para pumutok ang mga ugat sa kanyang kanang mata. Sa ipinalabas na pahayag ng tanggapan ni Santiago nitong Huwebes, sinabing hindi muna pinapapasok sa Senado ang mambabatas at iwasan ang mga balitang may kaugnayan sa pulitika. “If Sen. Santiago reports to the Senate on Monday, she might have a sudden rise in blood pressure and suffer either a stroke or a heart attack. She already had a mild stroke some ten years ago," ayon sa cardiologist ni Santiago na si Dr. Esperanza Cabral, dating Health secretary. Nakasaad din sa pahayag na binalaan ng mga duktor si Santiago na posibleng magkaroon siya ng ikalawang stroke kung patuloy na makikipagbanggaan kina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Panfilo Lacson. Ayon kay Cabral, tumaas ng 184/100 ang blood pressure ni Santiago nitong Huwebes ng umaga. Napag-alaman na heart attack habang natutulog ang ikinamatay ng dalawang mas nakababatang kapatid ni Santiago. "With that kind of medical history, Sen. Santiago will be placing herself in harm’s way if she continues her battle against her fellow senators. I have told her that her political enemies might be dancing on her grave if she continues to fight them singlehandedly," ani Cabral. Sa isang ulat ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, nagpahayag ng kalungkutan si Enrile nang malaman umano niya ang sinapit ni Santiago. Sinasabing tumaas ang presyon ng dugo ni Santiago nitong Miyerkules matapos dumalo sa isang programa sa telebisyon at muling maungkat ang hidwaan nila ni Enrile. (Basahin: Ugat sa kanang mata ni Sen Santiago, pumutok dahil sa hypertension) Ayon kay Enrile, umiiwas na siyang magsalita laban kay Santiago pero ang senadora umano ang panay ang atake sa kanya. Gayunpaman, umaasa ang lider ng Senado sa mabilis na paggaling ni Santiago. Sinabi naman ng ophthalmologist na si Dr. Rodolfo Chuanico ng East Avenue Medical Center, na ang pagkaroroon ng namuong dugo sa kanang mata ni Santiago nitong Miyerkules ay babala na maaaring tumaas pa ang presyon nito ng dugo na posibleng humantong sa stroke. “Technically, Sen. Santiago suffered a mild stroke after her TV interview. Fortunately, the stroke went to her eye instead of her brain. If she continues as usual, a second stroke will be imminent," paliwanag ng duktor. Tulad ni Cabral, pinayuhan ni Chuanico si Santiago na lumayo sa kahit anong magdudulot sa kanya ng galit. Kailangan umanong maging malusog ang senador kapag ipinatawag na sa International Criminal Court ngayong Martes. (Basahin: Miriam elected judge of International Criminal Court) Bilang pagsunod sa utos ng kanyang mga doktor, sinabi Tom Tolibas, tagapagsalita ni Santiago, na hindi muna tatanggap ng panayam ang mambabatas habang hindi bumabalik sa normal ang kanyang blood pressure. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News