GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Papaano magwawakas ang love story nina Lally, Vincent at Eric sa 'My Husband's Lover'?

July 16, 2013 6:18pm

 
Ngayong nalaman na ni Lally ang lihim na relasyon nina Eric at Vincent, lalo pang naging kaabang-abang ang mga susunod na eksena sa pinag-uusapang Kapuso series na "My Husband's Lover."
 
Kasunod ng pag-amin ni Vincent sa kanyang asawang si Lally na isa rin siyang gay, hindi mapigilan ng ilang tagasubaybay at maging ng cast members ng programa na pag-usapan ang magiging ending nito.

Basahin: Pagkakabisto ni Lally sa relasyon nina Eric at Vincent, tinutukan, pinag-usapan

Mayroon nga kayang magpaparaya kina Lally (Carla Abella), Vincent (Tom Rodriguez) at Eric (Dennis Trillo)? O sa huli ay tuluyang silang magkakanya-kanya ng buhay?
 
Si Lally ang magpaparaya -- Bettina Carlos
 
Para kay Bettina, gumaganap bilang si Vicky na best friend ni Lally,  magiging mahirap para sa mga bumubuo ng programa ang pagtatapos nito dahil kailangan nilang maging mas maingat sa mga ipapalabas at sa gagawing takbo ng istorya.
 
"Naglolokohan na lang kami na siguro si General (Roi Vinzon) kaya galit sa bakla, kaya ayaw niya maging bakla anak niya kasi bakla rin siya [at] napilitan din siyang mapangasawa si Miss Kuh (Ledesma), ganyan," kwento niya.
 
Ngunit kung siya raw ang gagawa ng ending ng istorya, sinabi ni Bettina na nais niyang si Lally ang magpalaya kay Vincent.
 
"From Lally's point of view—let my husband go kasi if that's his orientation, if that is what his heart is dictating I'll let him be. Kasi hindi ako mabubuhay knowing na iba yung hinahanap ng puso ng asawa ko," paliwanag niya.
 
Sana happy lahat -- Carla Abellana
 
Hindi naman makapagdesisyon si Carla Abellana sa kaniyang bersyon sa kung papaano dapat magwakas ang My Husband's Lover. Ito'y  dahil na rin sa mga institusyon na kailangang bigyang pansin tulad ng Simbahan Katoliko, at lesbians, gays, bisexuals, transgenders (LGBT) community.
 
"Sana happy lahat but that's too perfect," aniya. "Although before naman sa story conference pa lang ng My Husband's Lover, napag-usapan kung ano yung magiging ending... It will change definitely depende sa response ng mga tao."
 
Basahin: 'My Husband's Lover,' kinilala ng LGBT community sa White Party Manila

Dagdag pa niya, "Siyempre, gusto natin perfect ending, lahat masaya pero hindi posible. Not everybody will be pleased kasi basically if Vincent and Lally end up together, ang mga gays parang mahu-hurt sila, magiging bitter sila because at the end of the gay pa rin talaga si Vincent."
 
"If we end up with Vincent and Eric, magagalit naman sa'tin ang simbahang Katoliko. Kasi may marriage. Sa totoo lang, it's a big question mark kung paano matatapos ang My Husband's Lover pero sana lang majority will be happy," pagtatapos nito.
 
Magkaroon ng acceptance -- Tom Rodriguez
 
Bagama't ayaw pangunahan ni Tom Rodriguez  ang magiging ending ng My Husband's Lover,  nais daw niyang makita na magkaroon ng "acceptance" sa tatlong pangunahing karakter ng programa.
 
"A version where there will be some sort of acceptance although it will be hard for Lally's part kasi she spent years being lied to na atleast for Vincent— to be able to accept himself kasi although he is a family man, kaya pa rin naman niyang panindigan ang family niya," paliwanag ni Tom.
 
"At the same time wala siyang niloloko, inaapakang ibang tao kasi 'yon yung ginagawa niya ngayon, eh," dagdag ni Tom.
 
Different partners -- Pancho Magno
 
Kung si Pancho Magno naman ang magbibigay ng kalayaan na wakasan ang My Husband's Lover, nais niyang magkaroon ng kanya-kanyang bagong iibigin sina Lally, Vincent at Eric.
 
"Para sa akin, may kanya-kanya silang buhay, lahat sila. Magiging friends sila pero iba 'yong partners nila in life," pahayag nito.
 
Papasok si Pancho sa naturang serye bilang si Paul, ang lalaking tutulong kay Lally na may matagal nang pagtingin sa kanya.
 
Mga Kapuso 'lovers'
 
Bukod sa mga bidang artista ng My Husband's Lover, may kanya-kanya ring pananaw ang mga tagasubaybay ng programa kung papaano dapat magwakas ang serye.
 
Sina Lally at Vincent pa rin -- James, 24, Radio Host
 
Dapat ipakita pa rin sa My Husband's Lover na ang lalaki ay para talaga sa mga babae. Dahil nagkabukingan na, papipiliin ni Lally si Vincent kung siya or si Eric. Pipiliin ni Vincent si Lally at ang pamilya nito.
 
Mamamatay si Vincent -- Prinz, 21, Registered Nurse
 
Dumating ang panahon kung saan nagkaalaman na. Humingi ng kapatawaran si Vincent sa kanyang pamilya dahil sa lahat ng nagawa niya pati na rin si Eric. Nagpasya si Lally na maghiwalay muna sila ni Vincent. 
 
Lumipad si Vincent patungong ibang bansa for few months ngunit bago ito lumisan may iniwan itong sulat kay Eric na nagsasabing kailangan nilang mangako sa isa't isa at sa pagbalik ni Vincent, nadisgrasya ang sinasakyan nitong eroplano at namatay.
 
Ibinigay ni Eric ang sulat ni Vincent kay Lally, na ang nakasaad sa sulat na kung sakaling may mangyaring masama sa kanya ay gusto nitong tumayo si Eric bilang ama nina Diego at Hannah at bilang asawa ni Lally. 
 
Nilibing nila si Vincent at nagkatuluyan sina Eric at Lally. Sa nagdaang panahon, natutunan nilang mahalin ang isa't isa at namuhay ng masaya bilang isang pamilya.
 
Maghihiwalay sina Lally at Vincent -- Meigh, 28, Mother of two
 
Dahil talagang totoong nabubuhay ang mga third sex o lesbians, gays, bisexuals, transgenders (LGBT) sa mundo, gusto kong maghiwalay sila nang tuluyan dahil hindi kayang panindigan ni Vincent na maging tunay na asawa o husband kay Lally.
 
Palalayain ni Eric si Vincent -- Stine, 25, single mom
 
Matapos ipaglaban ni Lally at Eric ang pagmamahal nila kay Vincent, darating si Vincent sa puntong makukonsenya na siya sa lahat ng sakit na naibigay niya sa kanyang pamilya, magulang, at sa mga taong kasangkot. 
 
Mas pipiliin niyang masaktan para sa mga anak nila ni Lally— hindi na malalabanan ni Vincent ang pagmamahal nito sa kapwa lalaki ngunit hindi ito sasama kay Eric bilang respeto sa pamilya. Pipiliin nitong mapag-isa at manatiling maging ama sa mga anak nila ni Lally. 
 
Matututunan naman ni Eric na palayain si Vincent at pipiliin na lang nitong magmahal ng iba, isang taong single at walang masisirang pamilya.
 
Mananatili namang mabuting ina si Lally sa mga anak nila ni Vincent and matatanggap na rin nitong iba si Vincent sa nakilala niya at dapat niya itong palayain.
 
Mas maganda rin na hindi na magkakaroon ng boyfriend si Lally dahil responsableng tao na siya by nature. Kaya naman, masaya na siya kasama ang mga anak niya.

Vincent-Eric, Lally with new lover -- Ramir, hairstylist

Mas gusto ko sina Eric at Vincent ang magkatuluyan kasi soulmate sila kahit nung simula pa lang (istorya). Si Lally, bigyan na lang ng ibang lover, yung tunay na lalaki na gusto niya. --  Mac Macapendeg/FRJ, GMA News


my husbands lover


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus