ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Pork barrel' funds ni PNoy, nais gawing line item ng oposisyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Gaya ng dating Priority Development Assistance Funds (PDAF) ng mga mambabatas, nais ng oposisyon sa Kamara de Representantes na gawing line-item sa halip na lump sum ang Special Purpose Funds (SPF), na itinuturing "pork barrel" funds ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ang pagbabago sa SPF ay nakapaloob sa isinumiteng amendments ng oposisyon sa hinihimay na P2.268 trilyong general appropriations bill (GAB), na inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Kamara.

Paliwanag ng mga kongresista, ang pagli-line item sa halip na lump sum ng P450 bilyon na SPF ni Aquino ay magtataguyod ng higit na "transparency and accountability" sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Sa inaprubahang GAB, inalis na ang lump sum allocation sa kontrobersiyal na PDAF o pork barrel ng mga mambabatas, at inilipat na sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan.

“We propose that, as much as practicable, all lump sum and/or special purpose funds (SPFs) be dissolved and subjected to line item budgeting and the allocated funds dispersed to the appropriate line agencies.For example, the P2.478 billion E-Government Fund be dispersed to agencies with approved E-government projects as listed and advised by the E-Government cluster. Henceforth, any such E-projects will have to be subjected to congressional approval and listed as such in the annual appropriations bill,” ayon sa oposisyon.

Ang mga mambabatas na nagrekomenda ng pagbabago sa GAB ay kinabibilangan nina Reps Ferdinand Martin Romualdez (Leyte), Gloria Macapagal-Arroyo (Pampanga), Diosdado Arroyo (Camarines Sur), Aleta Suarez (Quezon), Victor Ortega (La Union), Lani Mercado-Revilla (Cavite), Philip Pichay (Surigao del Sur), party-list Reps. Jonathan Dela Cruz (Abakada), at Lito Atienza (Buhay).

Nakapaloob din sa mungkahi ng mga mambabatas ang tuluyang pagbuwag sa pork barrel funds, pagbuhay sa congressional oversight committee for transparency at alisin ang kapangyarihan ng Pangulo na mag-ipit ng pondo sa national budget.

Nakatakdang pagbotohan ng mga kogresista para sa ikatlo at huling pagbasa ang GAB sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Oktubre 14.

Kasama rin sa mga mungkahi ng mga mambabatas ang paglalagay ng 20 percent cap sa Automatic Appropriations Provision sa Debt Service Payments na umaabot na ngayon ng P792 bilyon (34%); pagdagdag ng P2 bilyon para sa programang pabahay ng National Housing Authority sa labas ng Metro Manila; dagdag na P3 bilyon sa Department of Health na ipamamahagi naman sa mga provincial hospitals, regional hospitals,specialty hospitals, Philippine General Hospital at West Visayas University Hospital.

Nais din nilang dagdagan ng P860 milyon ang pondo para sa Philippine National Police upang mapahusay ang kampanya sa kriminalidad gaya ng pagkuha ng karagdagang mga pulis; at dagdag na P3 bilyon para sa Department of Education para sa implementasyon ng GATSPE Law, partikular para sa "intensive teacher training at book assistance.” -- RP/FRJ, GMA News

Tags: porkbarrel, pdaf