Conviction rate ng Ombudsman ngayong 2013, inaasahang magiging mababa
Kumpara sa nakaraang tatlong taon, inaasahan na magiging pinakamababa ang conviction rate na maitatala ng Office of the Ombudsman ngayong 2013 sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Batay sa nakalap na listahan mula sa Sandiganbayan, sa 187 kaso na isinampa sa kanila ng Ombudsman, umabot pa lamang sa 24 na kaso ang kanilang naipanalo o katumbas ng 12.83 percent conviction rate.
Malayo ito sa naitalang conviction rate ng Ombudsman na 14.56 percent noong 2010; 16.1 percent noong 2011; at 16.72 noong 2012.
Ang Ombudsman ang nagsisilbing piskalya sa pagsusuri sa mga kasong katiwalian na nais isampa ng pamahalaan sa Sandiganbayan laban sa mga katiwaliang opisyal ng gobyerno.
Ngayong taon, kabilang sa mga pinaka-kontrobersiyal na kaso na isinampa ng Department of Justice ay ang plunder case laban sa ilang personalidad na sangkot sa pork barrel fund scandal.
Mas kaunting kaso
Sa 187 kaso na isinampa ng Ombudsman ngayon taon, 63 dito ang ibinasura ng Sandiganbayan, 38 ang napawalang sala, 43 ang inurong na demanda, at 18 ang ipinadala sa archives, at isa ang naging state witness.
Ang bilang ng mga kasong isinampa ngayong taon ay mas mababa naman sa 364 kaso na iniakyat sa Sandiganbayan noong 2010; 503 ang kinasuhan noong 2011; at 311 naman noong 2012.
Inamin naman ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang kahinaan ngayon sa sistema ng prosekusyon partikular sa isinasagawang imbestigasyon at paghahanda sa kaso.
Basahin: Ricky Carandang's 'distant relative' named Overall Deputy Ombudsman
Sa kabila ng maraming kaso, nababawasan naman umano ang kanilang mga abogado na uusig sa mga inirereklamo.
Nahihirapan umano ang Ombudsman na makakuha ng mahuhusay na abogado dahil sa mababang pasahod na aabot lamang sa P54,000 bawat buwan, na malayo umano sa sinasahod ng abogado na nagpa-private practice.
Ipinaliwanag din ni Morales na hindi sila pinapahintulutan sa batas na kumuha ng pribadong abogado para humawak ng kaso. Gayunman, maaari nilang hingin ang tulong ng mga private lawyers para kumonsulta sa paghahanda ng estratihiya ng kaso. -- JPT/FRJ, GMA News