Puntod ng inaakalang anak na kaniyang ipinalibing, patuloy na dinadalaw ng ginang sa Pangasinan
Kahit batid na nila na hindi nila kaano-ano ang lalaking kanilang ipinalibing noong nakaraang taon, patuloy pa ring binibisita ng pamilya Soriano sa San Carlos City, Pangasinan ang puntod sa isang pampublikong sementeryo. Bukod dito, kasama pa sa pagdalaw sa puntod ang tunay na kaanak na una nilang inakala na patay na.
Gaya ng nakaraang Undas, magtitirik pa rin ng kandila ngayong taon si Gng. Leonarda Soriano sa puntod ng lalaking inakala niyang anak niya na si Jasper na kaniyang ibinurol sa bahay at ipinalibing noong Pebrero 2012.
Noong nakaraang taon kasi, ilang linggo na hindi nakauwi ng kanilang bahay si Jasper. Kasunod nito ang pagkakakita sa bangkay ng isang lalaking salvage victim sa Binalonan na inakala ni Aling Leonarda na anak niya.
Hindi na kasi makilala ang mukha ng biktima pero may nakita siyang ilang palatandaan gaya ng pilat sa dibdib na katulad ng kay Jasper kaya inakala niyang ito ang anak na hindi nakakauwi.
Matapos iburol ay ipinalibing ito ni Aling Leonardo. Pero pagkaraan ng ilang araw, umuwi si Jasper kasama ang isang kaanak na nakahanap sa kaniya sa Nueva Ecija. (Basahin: Inilibing na salvage ‘victim’ sa Pangasinan, 'nabuhay')
Sinabi ni Jasper na wala siyang pera kaya hindi nakakauwi ng Pangasinan at hindi nakakatawag sa kanilang bahay nang panahong iyon.
Pero kahit hindi nila kilala ang kanilang ipinalibing, sinabi ni Jasper na okey lang iyon dahil kahit papaano ay nakatulong sila sa isang taong pumanaw.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang bangkay. -- FRJ, GMA News