Natagpuang giant mushroom sa Agusan, puwede kayang kainin?
Pinagkaguluhan sa Esperanza, Agusan del Sur ang natagpuang kabute na halos kasing lapad na ng payong.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, halos tatlong talampakan ang lapad ng kabute at may bigat na tinatayang 12 kilo.
Kuwento ng mga residente, nakita nila ang kabute na tumubo sa tabi ng mga kawayan sa isang liblib na bahagi ng barangay Langag.
Ayon sa Bureau of Plant Industry, posibleng " pleurotus" mushroom ang nakuha ng mga residente.
Karaniwan umanong malalaki ang mga naturang uri ng kabute.
Sakabila nito, pinayuhan ang mga residente na huwag basta kainin ang kabute dahil sa posibilidad na mayroon itong lason lalo na kung hindi pa nasusuri ng mga eksperto.
Basahin: 12 katao na kumain ng kabute mula sa kawayan sa Davao City, nalason
Nilang nakaraang Agosto, Isang mag-anak at walo pa nilang kapitbahay sa Pequeño, Davao City ang nalason at dinala sa ospital matapos kainin ang nakuhang kabute na tumubo sa ilalim ng kawayan. -- FRJ, GMA News