Bakit hindi kaagad inamin ng sexy actress na si Aubrey Miles na may anak na siya?
Nakakailang taon na sa showbiz ang sexy actress na si Aubrey Miles bago niya inamin sa publiko noong 2009 na mayroon na siyang anak na isinilang niya sa Amerika noong 2001.
Nangyari ang paglalahad ni Aubrey sa kaniyang panganay na anak na si John Morris o Maurie, kasunod naman ng pagsisilang niya sa naging baby nila ni Troy Montero na si Hunter noong 2009.
Paliwanag ni Audrey sa isang panayam sa Powerhouse noong nakaraang Miyerkules, hindi niya isinapubliko ang pagiging ina dahil sa takot na makaapekto ito sa kaniyang showbiz career.
“Hindi siya magandang idea na ilabas ko. Noong time na 'yon, kailangan fresh ka. Siyempre sa mga endorsement, gusto nila single ka, hindi ka mom,” ayon sa aktres at ngayon ay businesswoman na rin.
Bagamat naririnig na ni Troy ang mga usap-usapang mayroon nang anak si Aubrey, hindi raw ito naging malaking isyu sa kanila noong kinikilala pa lamang nila ang isa't isa.
Ani Troy, “There were rumors, and I thought to myself, 'Well, let's see. I want to know you first.' So I got to know her first then after a while, I thought, 'If it's true, I'm okay with it. If it's not, I'm okay with it.”
Nakilala ng aktor si Maurie noong magdadalawang taon pa lamang ito.
Napagdesisyunan ni Aubrey na ihayag na sa publiko ang tungkol sa kaniyang panganay na anak dahil lumalaki na ito at natatakot daw siya na manggaling pa sa iba ang balita at ma-misinterpret ng kanyang anak ang pagtatago niya ng katotohanan.
“Sabi ko, 'Ah, malaki na siya. Alam ko na malalaman na niya ito.' Six pa lang siya, pina-plano ko na kung kanino ko sasabihin, paano, saan. Seven years old siya nung nag-decide ako.”
Samantala, masayang-masaya ang magkasintahan nang ipanganak si Hunter noon ding taon na isinapubliko ni Audrey ang tungkol kay Maurie.
Ayon kay Audrey, napaiyak pa ang first-time dad na si Troy. Naroon ang ina ng aktor at mga kaibigan ng magkaintahan bilang suporta.
“It was very exciting. It was actually planned,” ayon kay Troy.
Larawan ngayon ng masayang pamilya sina Aubrey, Troy, Maurie, at Hunter. Tinitiyak daw nila na magkakasama sila sa dinner, lalo na tuwing weekends kapag walang trabaho sina Aubrey at Troy.
Itinuturing na 'perfect dad' ni Aubrey si Troy, habang hanga naman ng aktor sa pagiging mahigpit ngunit mapagmahal na ina ni Aubrey.
Kwento ni Aubrey, “Kapag tumaas na yung boses ko, freeze na silang lahat. Si Troy parang best friend nila.”
Nagmamay-ari ngayon ng isang post-production house si Troy, habang abala naman si Audrey sa kanyang pawnshop. -- BRDabu/FRJ, GMA News