'Oro' star Irma Adlawan scores Liza Diño for trial by social media
Hindi napigilan ng batikang aktres at Metro Manila Film Festival 2016 Best Actress na si Irma Adlawan ang maglabas ng kaniyang sama ng loob nitong Miyerkules nang makapanayam siya ni Kara David sa 'News To Go' kaugnay ng isyu ng animal cruelty sa pinagbidahan niyang pelikula na 'Oro.'
Kaliwa't kanang pahayag na ang lumabas tungkol sa nasabing isyu, kabilang na ang mga batikos mula sa ilan na nagbabahagi pa ng parte umano ng script at mga personal nilang karanasan bilang bahagi ng produksiyon.
READ: 'Oro' cast member says two dogs were killed in movie
Ang aktres raw mismo ang kumausap kay Film Development Council of the Philippines chair Liza Diño upang iwasan muna ang pagpo-post sa social media tungkol sa isyung hinaharap ng pelikula, ngunit tila hindi raw nakinig sa kaniya ang FDCP chairperson.
Para sa kaniya, hindi naging responsable si Diño, kaya hindi pa man daw napag-uusapan sa isang pormal na pagpupulong ang isyu ay mayroon nang hatol ang taumbayan sa mga bumubuo ng pelikula.
Kuwento ni Adlawan, "Sinabihan ko si Liza Diño na, 'Hindi mo dapat i-post sa social media even before mag-meeting.' Sinabi ko na the meeting is the proper venue para tayo ay mag-usap-usap, harap-harapan, alamin ang katotohanan. Kasi kapag ginamit mo na ang social media, ang dami nang sasawsaw diyan. For her to be the chairperson of the FDCP, dapat alam niya 'yung responsibilidad niya. Hindi dapat siya nagpo-post ng ganoon, even before conducting an investigation within."
"Sinabihan ko siya na puwede bang mag-meeting muna bago siya mag-react. Papa-explain muna ang side namin. But lo and behold, she used it. So ano pa bang magagawa namin. We were tried publicly even before they actually talked to us. Pagdating namin sa meeting, wala na. Ang dami nang bashers, ang dami nang gustong pumatay kay Direk," dagdag pa niya.
Pagtatapos ng batikang aktres, "You have to know your responsibility. Ang sabi nga, with power comes responsibility."
Ayon kay Adlawan, hindi siya nabahala noong nakita niya ang eksena ng pagpatay ng aso sa script, ngunit siya mismo ay hindi raw papayag sakaling gagawin ito para lamang sa pelikula.
Aniya, "It didn't bother me because I've read a lot of scripts. Ang dami ko nang nabasang script—international, film, TV, theater. Ang mga script ay nandiyan para maging guide kung ano ang nangyayari. Marami tayong nababasa, at kung bawat makikita mo ay magre-react ka, para kang hindi artista. Sa mga hindi nakakabasa ng script, ganoon talaga ang mga nakalagay sa script. 'Papasok ang babae, sasabuyan ng asido ang mukha ng kabilang babae.' 'Yun talaga—it is a description ng kung anong mangyayari doon sa eksena at kung paano niyo gagawin pagdating doon."
"So, it didn't bother me at all when I saw na papatayin ang aso because I know na ginagawa naman talaga ito. Medyo hindi na lang matanggap ng ibang tao up to now na kultura na ng Pilipino ito, lalo na 'yung mga taong nasa liblib na lugar na walang kakayahan para pumatay ng baboy, baka, na napakamahal," dagdag pa niya.
Handa na raw umatras sa kaniyang pagbida sa pelikula si Irma kung hindi naipaliwanag sa kaniya nang mabuti kung paano gagawin ang eksena.
Paliwanag ng aktres, "Walang issue sa akin 'yung nabasa kong 'yun. Ang naging issue sa akin—true to fact ito—noong akala ko papatay sila ng aso para sa eksena. I didn't know the culture kasi nga ako ay replacement, hindi talaga ako ang main actor in the film. Ako ang pinakabagito, ako 'yung nandoon noong gagawin nila 'yun at noong nalaman ko, ang sabi ko, 'Ay, gagawin niyo 'yan para sa eksena? Ay, magwo-walk out ako kung gagawin niyo 'yan para sa eksena.' And then, in-explain sa akin ng producer kung ano ang mangyayari. Sabi ko, 'Okay, sige. Naintindihan ko na. Kung ganoon, okay.'"
Tulad ng lahat ng mga tao sa likod ng pelikulang 'Oro,' ipinagmamalaki ni Irma ang obrang kanilang nagawa at labis rin ang kaniyang kaligayahan nang mapili ito ng MMFF Selection Committee bilang isa sa walong opisyal na kalahok sa prestihiyosong film fest.
Gayunpaman, ikinagulat niya na wala man lamang kinatawan mula sa nasabing film festival ang nagsalita para sa kanilang pelikula noong lumabas na ang isyu tungkol sa pagkatay sa isang aso, na mapapanood sa isang eksena sa 'Oro.'
"Nagulat kami noong, suddenly, bigla na lang naging malaking isyu ito. Hindi namin inaasahan na ang MMFF Selection Committee, ang MMFF execom ay hindi kami iba-back up when, in fact, napanood nila at wala silang binanggit na kahit ano," aniya.
Matatandaang inamin ng mga bumubuo ng 'Oro' na totoong may asong namatay, ngunit hindi ginawa ang pagkatay para lamang sa pelikula.
Ayon sa direktor na si Alvin Yapan, bahagi talaga ng kultura sa Gata, Camarines Sur ang pagkatay at pagkain sa aso.
Sa naunang pahayag, Diño na isa sa mga bahagi ng produksyon ang nagsinungaling sa kaniya at sinabing kambing lamang ang pinatay sa pelikula.
Dahil dito, maraming netizens ang nagalit at nakiisa sa panawagan ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na panagutin ang sinomang nasa likod ng pagpatay sa aso.
READ: Liza Diño: People behind ‘Oro’ lied to us ‘out of panic’
Paliwanag ng direktor, "May nagsinungaling talaga sa kaniya, pero hindi 'yun opisyal na pahayag ng production. Nagkataon, pinapanood ng publicity committee ang 'Oro' noong tapos na ang executive committee, 'yung selection committee, at may assistant kami doon na may dala ng hard drive. Noong makita ni Ms. Liza Diño-Seguerra 'yung eksena, tinanong niya 'yung assistant namin. Nataranta 'yung assistant."
"In-admit naman noong meeting na talagang nagsinungaling siya, humingi siya ng tawad and all. Pero ang issue kasi dito noong nag-blow up na is social media," dugtong ni Adlawan. —Bianca Rose Dabu/NB, GMA News