Marian Rivera gives clue on upcoming primetime show: Magugustuhan ng mga chikiting
Marami ang nasabik nang kompirmahin ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera na magbabalik na siya sa Primetime block ng Kapuso Network ngayong taon.
Matapos niyang ibahagi ito sa kaniyang Instagram account nitong Lunes, nagbigay na rin ng clue ang aktres sa magiging tema ng kaniyang bagong programa.
Aniya sa panayam ng “24 Oras” itong Miyerkules, “Sobrang happy ako sa show na ibibigay nila sa akin. For sure, na-miss ng mga tao na gawin ko yung ganoong tema.”
“Tiyak ko na magugustuhan ng mga chikiting!” dagdag pa niya.
Ngayong magiging aktibo na muli siya sa showbiz, sisiguruhin pa rin daw ni Marian at ng kaniyang mister na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na matututukan pa rin nila ang paglaki ng kanilang anak na si Maria Letizia.
Ayon sa aktres, napag-usapan na nila ang schedule ng kanilang taping upang maipagpatuloy nila ang pagiging hands-on parents kay baby Zia.
“Usapan namin, pagkatapos ng 'Alyas Robin Hood,' saka ako magte-taping ng show ko. Hindi kasi puwede na parehas kaming wala kay Zia, kawawa naman 'yung anak ko,” kuwento ng aktres.
READ: Marian Rivera: 'This year, it's time to return to primetime'
Matatandaang maliban sa pagganap niya sa “Encantadia” at “Sunday Pinasaya,” nagpahinga muna sa paggawa ng programa si Marian matapos isilang si Baby Zia noong 2015.
Huling bumida ang Kapuso star sa primetime noong 2014, nang makatambal niya ang phenomenal actor at Pambansang Bae na si Alden Richards sa teleseryeng “Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.” -- FRJ, GMA News