Celebrity Life

Mark Herras, mas naging pokus sa trabaho simula nang magkapamilya

By Jimboy Napoles

Kasalukuyang napapanood ang aktor na si Mark Herras sa GMA Afternoon Prime series na Artikulo 247 kung saan gumaganap siya bilang si Elijah Borromeo, ang asawa ni Carmen Villarama na ginagampanan naman ni Kris Bernal.

Ito na ang itinuturing na balik-Kapuso serye ni Mark matapos ang ilang mga guesting sa ibang mga programa kaya naman aminado siya na pinag-igihan niya ang kanyang trabaho rito.

Sa isang panayam sa GMANetwork.com, ibinahagi ni Mark na mas maging pokus at seryoso siya ngayon sa kanyang trabaho simula nang siya ay maging asawa sa kanyang misis na si Nicole Donesa at maging ama sa kanilang anak na si Baby Corky.

Kuwento ni Mark, "Siguro yung pinaka-change na ginawa nila sa akin is literal talaga na maging pokus sa trabaho. Talagang pokus ako, like nag-lock-in taping ako for Artikulo 247 natuwa naman sa akin yung mga EP (Executive Producer) ko, yung mga PM (Program Manager). So it means na talagang naka-focus ako sa trabaho ngayon."

Masaya rin si Mark na ang kanyang pamilya ang nagsisilbi niyang inspirasyon ngayon upang mas maging responsable sa lahat ng kanyang ginagawa.

Aniya, "Dahil maganda 'yung inspirasyon mo sa buhay, my wife and kay corky, iba yung ligaya, iba 'yung saya na ibinibigay nila sa akin."

"'Yung pagiging inspirasyon nila for me sobrang malaking bagay, mas focus ako na ayusin lahat ng ginagawa ko," dagdag pa niya.

Bukod sa kanyang mga proyekto sa telebisyon, abala rin ngayon si Mark sa pag-aasikaso sa kanyang pamilya lalo na ngayon na nagsisimula na rin silang magtayo ng bagong bahay.

Samantala, patuloy na tumutok sa mas umiinit na mga tagpo sa Artikulo 247, tuwing 4:15 ng hapon sa GMA Afternoon Prime.

Kung hindi mo man ito mapanood sa TV, maaaring i-stream ang full episodes ng serye at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.

Silipin naman ang masayang pamilya nina Mark, Nicole, at baby corky sa gallery na ito.