Celebrity Life

Ken Chan, may tatlong tips para sa mga gustong magsimula ng negosyo

By Aimee Anoc

Bukod sa pagiging isang mahusay na aktor, isa ring magaling na negosyante si Ken Chan. Sa katunayan, isang buwan pa lamang ang nakalilipas nang buksan ang ikalawang branch ng kanilang Cafe Claus sa Promenade Greenhills.

Si Ken ang presidente ng Christmas-themed cafe na itinayo noong December 2021 sa Tandang Sora, Quezon City. Dagdag dito, isa rin si Ken sa mga nagmamay-ari ng gasoline stations na iFUEL.

Sa interview sa GMANetwork.com, nagbigay ng tatlong tips ang aktor para sa mga nais na magsimula ng negosyo. Una na rito ay ang pagiging matipid.

"Ang first advice na maibibigay ko po ay ang magtipid. Ang mentor ko po about sa pagtitipid ay ang papa ko po. Ang sabi niya sa akin, 'Kapag kumita ka ng 10 piso 'yung siyam na piso itago mo, 'yung piso ay 'yun ang ipanggastos mo.' At tinandaan ko po talaga iyon," sabi ni Ken.

Dagdag niya, "Isa pa po sa mentor ko about sa pagtitipid ay si Kuya Germs. Sabi po sa akin ni Kuya Germs lagi po akong magtipid. Iyon po talaga 'yung isa sa mga tinandaan ko."

Ayon kay Ken, nang dahil sa pagtitipid ay nakaipon siya ng pera na nagamit niya para makapagsimula at makapagpatayo ng mga pinapangarap na negosyo, tulad ng Cafe Claus.

Pangalawa sa tips na ibinigay ng aktor ay ang pagkakaroon ng passion. Aniya, "Kasi naniniwala ako na kapag nag-business ka at kapag walang kang passion doon sa pinasok mong business, hindi ko naman sinasabi na hindi ka magiging successful, it's just that baka hindi ka ganoon maging successful fully hundred percent kasi hindi mo passion 'yung pinasok mong business.

"Kasi nakiuso ka lang dahil alam mong ito 'yung trending, dahil alam mong ito 'yung magugustuhan ng mga tao. For me, may advantage pa rin talaga kapag ang pinasok mong business ay mayroon kang passion. Kasi naniniwala ako na kapag nagtatrabaho ka at alam mong gusto mo 'yung ginagawa mo, kapag mahal mo 'yung ginagawa mo, hindi mo mapi-feel na nagtatrabaho ka. For me, mahalaga 'yun sa isang business."

Pangatlo sa pinakamahalagang dapat na tandaan ng mga nais na magsimula ng negosyo ay "lakasan ng loob."

"Kailangan malakas ang loob mo kapag nag-put up ka ng business. Tulad ko po, ako naranasan ko po iyon. Ako po may mga gusto po akong gawing business noon pero pinanghinaan po ako ng loob dahil hindi ko po alam kung ito na ba iyong right timing. Palagi po iyon ang sinasabi ko na dapat magbi-business ako right timing.

"Isa sa mga nagpa-realize po sa akin ay ang pandemya. Kung hindi ako magbi-business, kung iisipin ko when is the right time, then, when is the right time? I think, this is the right time for me to put up a business because kailan ko pa siya gagawin? Ayoko namang limitahan ang pangarap ko dahil sa pandemya. So, talagang lakasan ng loob," pagbabahagi ng aktor.

Para kay Ken, maliit man o malaki ang negosyong nais mong simulan kung marunong kang magtipid, may passion sa ginagawa, at mayroong lakas ng loob ay tiyak na magiging isa kang "successful businessman."

Samantala, kasalukuyang napapanood si Ken bilang si Richard sa rom-com series na Mano Po Legacy: Her Big Boss kasama sina Bianca Umali at Kelvin Miranda.

Abala rin ngayon si Ken para sa bago niyang kanta, ang "Quaranfling," na ilalabas under GMA Music ngayong Martes, April 26.

Samantala, mas kilalanin pa si Sparkle actor Ken Chan sa gallery na ito: