Celebrity Life

Delivery app business ni Dingdong Dantes, aarangkada na

By Jansen Ramos

Matapos ang ilang buwang masusing training at paghahanda, malapit nang magsimula ng operasyon ang delivery app business ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na DingDong PH. Ito ay ayon sa Instagram post ng aktor noong Sabado, September 5.

Sa nasabing post, ibinahagi ng Descendants of the Sun lead star ang larawan ng isang grupo ng riders, na displaced workers ng film at TV industry, na kuha mula sa kanilang orientation.

Makikita sa larawan na kumpleto sila sa riding gear at bitbit na rin ang kanilang delivery box. Kaugnay nito, may suot ding face shield at face mask ang mga rider para maproteksyunan ang kanilang mga sarili mula sa ano mang sakit o virus gaya ng COVID-19.

"Coming soon to your doorsteps. You ring it, we bring it! @dingdong.ph #youringitwebringit," sulat ni Dingdong sa caption.

Ilan lamang sa mga merchant partner ng DingDong Ph ang mga food business ng mga kaibigan ni Dingdong sa industriya gaya ng Bolzico Beef ni Nico Bolzico, Da Gianni Cucina Italiana ng pamilya ni Matteo Guidicelli, Neri's Gourmet Tuyo ni Neri Miranda, FRNK Mik Bar ni Isabelle Daza, JT's Manukan ni Joel Torre, K&G Seafood ni Neil Ryan Sese, at Hawker King Hainanese Chicken ng film/TV director na si Lore Reyes.

Bukod pa rito, available din sa DingDong PH ang lutong Kapampangan nina Apung Mameng at Imang Conching sa community kitchen na Carmen & Consorcia, na pagmamay-ari ng stylist na si Noel Manapat.

Ayon sa isang press release noong nakaraang buwan, nakipagtulungan si Dingdong sa mga bigating tech professionals, na sina David Almirol Jr., Mark Gorriceta, Joey Gurango, Raffy Maramag, Sid Maderazo, at Ranvel Rufino, sa bansa para sa paglulunsad ng DingDong PH app.

Noong Hunyo unang inanusyo ni Dingdong ang pagbubukas niya ng isang delivery app business, na layong matulungan ang mga entertainment worker na nawalan ng trabaho sanhi ng COVID-19 pandemic.

Sa isang online forum ng “Fireside," sinabi ni Dingdong na na-inspire siyang buuin ang ganitong klaseng negosyo nang nagkaroon sila ng logistic problem ng kanyang asawang si Marian Rivera sa pagde-deliver ng produkto ng floral business nitong Flora Vida.