
Di masukat ang galak at pride ng Sparkle actress at TV host na si Faith Da Silva nang matanggap niya ang Promising Actress of the Year award sa nagdaang Best Awards 2024.
Para sa mga hindi nakakaalam, ang Best Awards ay mula sa BEST Magazine, isang organisasyon na nagbibigay parangal sa mga natatanging indibidwal nag-e-excel sa mundo ng Entertainment, business, beauty pageants, public service, at philanthropy.
"Well to be honest, this is my first award, for myself, as Faith Da Silva the artist. I'm very glad and grateful sa nakaraang CMMA dahil tumanggap po ng award ng TiktoClock bilang Best Variety Program of 2023 and that means a lot to me, to everyone," sambit ni Faith sa kanyang panayam sa GMANetwork.com sa Teatrino Promenade sa Greenhills, San Juan City.
Kelvin Miranda, Faith Da Silva, at Tiktoclock executive producer Raymund Bigboy Villariza hawak ang kanilang mga tropeong natanggap mula sa Best Awards 2024
Ang tinutukoy ng dalaga ay ang parangal na natanggap ng TiktoClock na Best Entertainment Program mula sa 45th Catholic Mass Media Awards kamakailan.
"I started in TiktoClock, mga January na as a regular host. I believe sa lahat ng hard work namin, ng writers, ng production, kasi ang dami pong nangyari nitong karaaan sa mga noontime shows, di ba?
"So happy po ako na even after what happened, we're still here, na sinusuportahan sa ating lahat. Every time naman po I could, nage-guest pa rin naman ako sa kanila," aniya.
Ayon din kay Faith, malaki ang naitulong ng hosting experience niya sa TiktoClock sa pag-develop ng kanyang confidence at bilib sa sarili.
"Pero more than anything, sa TiktoClock ang laki ng growth ang nakuha ko, sa pagiging confident ko, sa pagiging kung sino po ako. Kahit na feeling ko hindi naman nakakatawa yung jokes ko, nilalaban ko pa rin kasi ang importante e someone is laughing out there.”
Malaki rin ang naitulong ang encouragement na kanyang natatanggap sa mga katrabaho at pati na rin sa publiko para mas ganahan si Faith sa kanyang trabaho.
"Hindi ko man nakikita po personally, but I have been receiving a lot of messages from people na encouraging me to do more of comedy, kasi nga that's what's really makes them happy. I'm happy to give love and happy rin ako dahil na-a-appreciate n'yo ang buong grupo ng Tiktoclock, hindi lang po ako."
Sa Best Awards 2024, nakatanggap din ng parangal ang TiktoClock bilang Outstanding Philippine Television Variety Show pati na rin ang co-hosts ni Faith na sina Kim Aitenza (TV Host of the Year) at Rabiya Mateo (Promising TV Host of the Year).
Sa mga susunod na buwan, matinding paghahanda ang pagdadaanan ni Faith Da Silva. Isa kasi siya sa mga bida sa paparating na bigating serye ng 2024, ang Encantadia Chronicles: Sang'gre, kung saan siya ang gaganap bilang Flamarra, ang bagong tagapangalaga ng brilyante ng apoy.
Makakasama ni Faith Da Silva sa naturang serye na ito sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, at Angel Guardian.
Sa gabi ng parangal ng Best Awards 2024, naiuwi rin ni Kelvin ang Teen Actor of the Year. Napunta naman ang Promising Young Actor of the Year award sa Lovers & Liars actor na si Kimson Tan. Pinarangalan din ng Philippine Pageantry Excellence Award si Sparkle talent AZ Martinez dahil sa kanyang pagkapanalo sa Miss Summit International 2023.
Kasama rin sa mga pinarangalan noong gabing 'yon ang isa pang Sang'gre, si Angel Guardian na napiling Teen Actress of the Year. Ngunit hindi siya nakasipot sa naturang event para personal na tanggapin ang kanyang award dahil sa isang prior commitment.
(Mula sa kaliwa) Tiktoclock's Bigboy Villariza, Rein Escano, ang 'Advocacy queen' na si Maxine Misa, Faith Da Silva at ang founder ng Best Awards na si Richard Hiñola.