Showbiz News

Nasubukan mo na ba ang 'Encantadia diet?'

By Cara Emmeline Garcia

Sa muling pagbabalik ng 'Encantadia' sa GMA-7, maraming fans na naman ang naantig sa ganda ng mga artistang bumida rito tulad na lamang nina Kylie Padilla at Sanya Lopez.

At sino ba naman ang 'di mamamangha sa kanila? Maliban sa pagkakaroon ng mala-diyosang mukha, meron din silang magagandang pangangatawaan na talaga namang hinahangaan.

Paano nga ba ma-achieve ito?

Para kay Kylie Padilla, na gumaganap bilang si Sang'gre Amihan, importante para sa kanya ang pagkain ng mga masusustansyang pagkain tulad ng fish at fruits.

Aniya sa Pinoy MD, “Alam niyo namang 'di puwedeng tumaba ang mga Sang'gre so ever since nag-start ang Encantadia, more on fruits ako and more of protein. Tinanggal ko na 'yung kanin and 'pag kaya 'di ako kakain after six para flat ang tiyan.

“So 'yun ang diet ni Sang'gre Amihan.”

Kylie Padilla bilang si Sang'gre Amihan / Source: GMA Network

Para naman kay Sang'gre Danaya, na ginagampanan ni Sanya Lopez, nakatulong ang kamote diet para mag-lose ng unnecessary fat.

“Maganda naman talaga 'yung kamote diet pero kinakain ko siya as snacks,” bahagi ni Sanya.

“So instead na burger at fries, mas kumakain ako ng kamote kasi ramdam ko kaagad 'yung effects niya at mas mabilis kang pumayat.”

Sanya Lopez bilang si Sang'gre Danya / Source: GMA Network

Ayon sa Pinoy MD, mayaman ang kamote (sweet potato) sa complex carbohydrates o 'yung klase ng carbs na mas matagal i-digest ng katawan. Kaya tuwing kinakain ito, mas mabilis makaramdam ng pagkabusog at mas matagal makaramdam ng gutom. Maliban diyan, mayaman din ang kamote sa fiber kaya mas gumaganda ang digestion.

Kung gusto mo pa ng ilang tips mula sa iba pang Encantadia stars, panoorin ang episode na ito mula sa Pinoy MD:


Pinoy MD: Three ways to losing belly fat fast

WATCH: Pinoy MD's 3 Tips to Prevent 2019-nCoV