Showbiz News

KMJS: Blood plasma ng COVID-19 survivors, ibinebenta?

By Dianara Alegre

Iniulat ng Department of Health Region 7 (DOH 7) na may nagaganap umanong bentahan ng blood plasma ng mga COVID-19 survivor sa Cebu, ang isa sa COVID-19 hotspots ngayon sa bansa.

Mayroon kasi itong antibodies na nagpapalakas sa katawan para makaiwas sa banta ng virus.

At tila pinagkakakitaan na ito ngayon batay na rin sa testimonya ng ilan at ng naturang ahensya ng gobyerno.

“Itong plasma na ito na may antibody na maaaring kunin sa iyo, maaari 'yang ilagay o i-transfuse roon sa taong mayroong active infection na malubha na mayroong COVID para labanan 'yung COVID,” pahayag ni Dr. Pedrito Tagayuna, head ng Philippines blood center.

Ang bentahan umano ng plasma sa Cebu ay nagkakahalaga ng PhP20,000 hanggang PhP80,000.

Ayon pa rin sa ulat ng DOH 7, ang Sitio Zapatera sa Cebu City ang isa sa may pinakamataas na bilang ng COVID-19 survivors.

Dito rin napabalitang mayroon umanong nagaganap na bentahan ng plasma.

“Hindi pa talaga napatunayan na ito ay talagang mabisang gamot sa COVID.

"Ang naobserbahan lang na mayroong improvement sa mga nabigyan ng convalescent plasma,” dagdag pa ni Dr. Tagayuna.

Samantala, mariin namang itinanggi ng mga opisyal ng mga Sitio Zapatera na mayroong nagaganap na bentahan ng plasma sa lugar.

“It's a fake news nga. Exaggerate na 'yung sinasabi.

"Mayroong usap-usapan na may gumagalang sasakyan na naghintay dito sa amin parang may susunduin na ite-test kasi 'yun daw ang process. 'Pag nakapasa, 'yun na, bentahan na.

“Pero personally, wala akong nakikitang ganyan.

"Mayroon tayong mga checkpoint dito sa ating entrance and exit sa aming barangay which is dyan daw sila magtatambay 'yung gustong bumili.

“Kinausap namin 'yung mga frontliners naming lalo na 'yung sa PNP na naka-assign doon na kapag may nakita silang ganoon transaksyon, inform us immediately para mapatawag namin sa barangay,” pagdepensa ni Capt. Ronnie Sab-A.

Bakit nagkaroon ng ganitong kalaran gayong libre dapat ang plasma?

Panoorin ang video sa itaas para sa espesyal na pagtatampok ng Kapuso Mo Jessica Soho tungkol dito.

KMJS: Anting-anting, mabisang pangontra rin sa COVID-19?

KMJS: Zion of God, exempted sa COVID-19?