Showbiz News

Michael V., naka-recover na sa COVID-19!

By Aedrianne Acar

Dumaan man sa matinding pagsubok, napagtagumpayan ni Michael V. ang laban niya kontra COVID-19.

Sa kanyang latest "Bitoy Story" vlog, ibinalita ng multi-awarded comedian na naka-recover na siya sa sakit.

Sa video na inupload ni Direk Bitoy, kahapon, August 10, ibinahagi nito ang lagay niya matapos ang quarantine.

“Sa ngayon tapos na 'yung quarantine ko and masasabi ko okay na, naka-recover na.

Ngunit bago ito, muling nabahala ang kanyang pamilya nang isa sa mga anak niya ang nakaranas ng ilang sintomas ng COVID-19 tulad ng fever at diarrhea.

Saad ng Bubble Gang star, “Unfortunately, bago natapos 'yung quarantine ko, 'yung isa kong anak naman ang nagka-fever at nagka-diarrhea na kung hindi alam nung iba sa inyo ay dalawang 'yun symptoms ng COVID.”

“Magkasama sila ng iisang kuwarto, pero 'yung kapatid niya walang symptoms. Kaya, siyempre, hindi na naman naming malaman kung paano niya nakuha 'yun.

“Awa ng Diyos after three days na nawala na 'yung symptoms niya, sana stomach flu lang 'yung na-experience niya, pero para safe nag-isolate siya at nagpa-test.”

Sa kabutihang palad ay negatibo sa COVID-19 ang resulta ng test nito.

Sa parehong vlog na may title na “FAN ART,” pinasalamatan ni Bitoy ang lahat ng medical frontliners na buong tapang at husay na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa gitna ng pandemic.

Kaugnay nito, Ipinasilip din niya ang larawang iginuhit niya mismo para ipakita ang mga nararanasan hirap ng medical frontliners.

Nakiusap din ang Kapuso comedian na tulungan ang medical frontliners dahil, hindi tulad ng mga pinapanood nating superheroes sa TV at movies, wala silang “powers.”

Wika niya, “Ito po ang aking paraan ng pasasalamat doon sa mga healthcare workers natin at siguro mananawagan na rin ako sa mga kababayan natin, kahit po mga superheroes at one point natatalo sa mga kalaban.

“Ang mga medical frontliners po natin ay hindi superheroes, wala po silang superpowers kaya kung puwede lang po sana huwag natin sila hayaan matalo,”

“Tulungan po natin sila at mag-ingat po sana tayo at sumunod po sana tayo sa batas doon sa mga protocol, para hindi na madagdagan 'yung cases ng COVID.”

Sa bandang huli ng vlog, nagbigay din ng ilang tips si Bitoy sa mga tao posibleng tinamaan ng COVID-19 para sa agarang nilang paggaling.

Ayon sa kanya, dapat umiwas sa stress ang isang tao.

Binigyan-diin niya na kumonsulta sa doktor, “Don't self-medicate.

“Isang natutunan ko rin dapat iwasan 'yung ma-stress totoong malungkot, totoong mapapa-isip ka pero as much as possible magkaroon ng positive attitude.

“Magahanap kayo ng puwedeng mapaglilibangan, magdasal kayo. Mas maraming stress, mas matagal ang paggaling.”

“At ang pinaka-importante, kumonsulta sa doctor! 'Yung sitwasyon ko puwede kapareho ng sitwasyon niyo, pero hindi ibigsabihin magkapareho tayo ng paraan ng paggaling.

“Kaya huwag kayo manghulat at huwag mag-self medicate at higit sa lahat huwag kayo matakot magpa-doktor.”


Kamusta si Michael V. habang naka-home isolation?

Michael V. shares update on his health after being diagnosed with COVID-19