Showbiz News

Alden Richards sa pinanggalingang love teams: 'Hindi ko po ikinakahiya'

By Jimboy Napoles

Hindi nakaligtas ang Kapuso actor at Asia's Multimedia Star na si Alden Richards sa tanong ng press kung ano ang opinyon niya sa mga bumabatikos sa konsepto ng love team sa Pilipinas.

Nitong Linggo, December 3, ginanap ang media conference ng pelikulang A Family of Two, na unang pelikula niya kasama si Megastar Sharon Cuneta. Ito ay isa sa 2023 Metro Manila Film Festival entries.

Sa nasabing event, game na humarap sa press sina Alden at Sharon, kasama ang iba pang cast gaya nina Jackie Lou Blanco, Miles Ocampo, at Pepe Herrera. Present din dito ang writer ng pelikula na si Mel Del Rosario, at ang direktor na si Nuel Naval.

Isa sa mga naging tanong kay Alden ay tungkol nga sa kanyang pagiging parte ng love teams noon.

Ayon sa Kapuso actor, parte na ng entertainment industry ang mga love team at wala siyang nakikitang masama rito bilang isa rin siya sa mga naging produkto nito.

Aniya, “So, being part of a love team is our cultural belief already. Doon kasi talaga nagre-revolve ang Philippine showbiz industry. But right now, since we're transitioning with content… Of course, naroon pa rin siya, it's considered a launching path for many new actors and actresses.”

RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Alden Richards's leading ladies through the years

Matatandaan na marami na ring aktres ang nakapareha ni Alden sa mga teleserye at pelikula. Una na rito si Louise Delos Reyes, na sinundan nina Marian Rivera, Janine Gutierrez, Andrea Torres, Kylie Padilla, Solenn Heussaff, Kathryn Bernardo, Bea Alonzo, Julia Montes, at si Maine Mendoza, na kung saan sila nakilala bilang AlDub.

“I've reached my age already. I'm celebrating my 13th anniversary in the industry this December. So I'm very much grateful to have been part of love teams po in the past,” ani Alden.

Nilinaw din ng aktor na hindi hadlang ang pagiging bahagi ng love teams sa pagkakaroon mo ng sariling pangalan sa showbiz.

“Siguro in a way, 'yung identity mo as your unique self is always affiliated with another person and vice versa. So, it's up to the actor, it's up to the celebrity how he or she would want to move forward in his or her career in show business.

“Ako po kasi, of course, I've been a product of love teams and I'm not ashamed [of that]. Hindi ko po ikinakahiya na marami po ako naka-love team before and hindi ko po ikinakahiya na doon ako nagsimula. I'm very much thankful for the 'love team' concept here in the Philippines,” pagbabahagi ni Alden.

Sa ngayon, unti-unti nang ine-explore ni Alden ang iba pang “ruta” ng industriya, pero baon niya umano rito ang mga aral na natutunan niya mula sa pagiging parte ng love teams.

Aniya, “But right now as I transition and move forward with my career independently, lahat po ng nai-a-apply ko ngayon sa mga desisyon ko are coming from the learnings that I've got during my love team era.

“So cons, very minimal, tolerable, but the benefit of that is kung ano man po ako ngayon, kung ano man si Alden Richards ngayon, it's because of the love teams that I've been through and I'm not ashamed of that.”

Samantala, makakatambal naman ni Alden sa kanyang susunod na pelikula ang Kapamilya sexy actress na si Heaven Paralejo.

Sa susunod na taon, mapapanood naman si Alden sa Kapuso series na Pulang Araw kung saan makakapareha niya ang aktres na si Sanya Lopez. Makakasama rin nila dito ang isa sa mga breakout love team na sina Barbie Forteza at David Licauco.

Para sa iba pang showbiz updates, bisitahin ang GMANetwork.com.