Showbiz News

Bagong silang na anak ni Super Tekla, negatibo sa COVID-19

By Cherry Sun

Patuloy ang pasasalamat ni Super Tekla sa kabila ng pinagdaraanang pagsubok ng kanyang pamilya. Ang kanyang bagong silang na anak kasi ay nag-negatibo para sa COVID-19 matapos ang pinagdaanan nitong sensitibong operasyon sa ospital.

Iniulat sa 24 Oras na may birth defect ang anak ni Super Tekla na si baby Angelo. Isinilang ang bata na walang butas ang kanyang puwit o mayroon anorectal malformation sa medical term.

Nitong Biyernes, June 26, nang umaga, sumailalim na sa unang operasyon si baby Angelo. Naging matagumpay ang kanyang colostomy ngunit nananatili siya sa ICU.

Ngayong nagpapagaling ang anak ni Tekla, nagpapasalamat naman ang komedyante dahil negatibo ang ang kanyang anak sa COVID-19.

Sulat niya sa kanyang Facebook post, “Thank you Lord! Safe at negative si baby Angelo sa COVID-19. Praise God. Salamat sa inyong dasal. Panginoon, tunay ngang mananaig ang iyong awa.”

Ayon din sa isa pa niyang post, nangangailangan din ang kanyang anak ng breast milk.

Si baby Angelo ay naka-confine pa rin sa Philippine Children's Medical Center. Nakatakda ring sumailalim sa iba pang operasyon ang anak ni Super Tekla.