Showbiz News

Allan K sa pagsasara sa Zirkoh at Klownz: 'Para akong namatayan ng anak.'

By Dianara Alegre

Ipinahayag ni Eat Bulaga host Allan K na para siyang namatayan ng dalawang anak sa pagsasara ng kanyang comedy bars, ang Zirkoh at Klownz , na 18 taon niya ring pinamahalaan.

Matatandaang inanunsiyo ng komedyante nitong June 30 ang kanyang desisyon na isara ang Zirkoh at Klownz dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

“Hindi natin alam kung hanggang kailan [ang COVID-19 pandemic]. Kaysa naman lumaki nang lumaki 'yung babayaran namin sa renta and iba pang expenses, better yet i-close na lang talaga,” sabi ni Allan K.

Ibinahagi rin niya ang labis na lungkot na nararamdaman dulot ng tuluyang pamamaalam ng mga negosyo niyang itinuring niyang mga “anak.”

“Para kang namatayan ng anak. Kambal na anak pa, Klownz at Zirkoh, dalawa. Malungkot kasi naging bahagi na 'yon ng buhay ko for 18 years. Gabi-gabi akong nandu'n, nagpupuyat.

“Totoo pala talaga 'yung dalawang mukha ng showbiz, ng entertainment. Isang masaya, isang malungkot. Pero this time, ito 'yung pinakamahabang malungkot na mukha,” dagdag pa niya.

Aniya pa, mahigit 100 empleyado niya ang nawalan ng trabaho at mahigit 30 rito ang komedyante at entertainer na nagbibigay-buhay sa entablado ng Zirkoh at Klownz.

Maibibigay umano sa kanila ang kanilang unpaid salary, 13th month pay, cash assistance, pero wala nang sapat na pondo para sa separation pay.

Allan K thanks patrons of Klownz and Zirkoh

Lolit Solis reacts to closure of Allan K's comedy bars, "Hindi na talaga kinaya."

Labis ding nalungkot ang mga entertainer na ilang taon nang nagpapasaya sa publiko sa pamamagitan ng mga naturang comedy bar.

Kabilang sa kanila ang mga komedyanteng sina Boobay at Philip Lazaro.

“'Yung Klownz at Zirkoh ang nagbigay sa amin ng pagkakataon na makapag-tour sa iba't ibang mga bansa, mapuntahan 'yung mga bansa na hindi naming inakala na mapupuntahan namin.

Pamilya na rin talaga 'yung turingan namin,” ani Boobay.

Ibinahagi naman ni Philip ang saya niya sa tuwing nagpe-perform sa entablado.

“D'yan ako nagsimula. I'm a different person if I'm on stage. Kasi iba ang stand comedy. Ang reaction is instantaneous,” aniya.

Gladys Guevarra at Boobsie Wonderland, sinariwa ang masasayang alaala sa Zirkoh at Klownz

Super Tekla, nalulungkot sa pagsasara ng Klownz at Zirkoh

Samantala, hindi naman sila nawawalan ng pag-asang magbabalik din ang comedy bars.

“'Pag siguro natapos na 'yung pandemic na 'to, pwede naman sigurong magbukas ulit ng bagong comedy bar.

"Ito talaga 'yung negosyong gusto ko, e. Ito talaga 'yung negosyong alam na alam kong patakbuhin kahit pikit ako,” sabi ni Allan K.

Dagdag pa ni Boobay, “'Wag kayong mag-alala dahil hindi kami titigil na magpasaya sa inyo. See you again soon.”

Katunayan, naghahanda na raw sila ng mga bagong jokes para sa kanilang muling pagsisimula.

“Nag-iimbak na kami ng mga bagong jokes. Imposibleng mawala 'yang laughter sa katawan ng tao.

"Don't worry, kapag nagkita-kita tayong muli, we will not just bring laughters into your faces but also smiles into your hearts,” sabi ni Philip.