Showbiz News

Kuwento ng wonder nanay sa 'Wish Ko Lang', umantig sa puso ng viewers

By Racquel Quieta

Sa unang pagtatanghal ng nagbabalik-telebisyong 'Wish Ko Lang', itinampok ang kuwento ng wonder nanay na si Joan Diviva na pumasok sa pagiging construction worker ngayong panahon ng pandemya.

Ang wonder nanay na si Joan Diviva

Si Joan ay dating fruit vendor at ang kanyang mister na si Sherwin ay isa namang construction worker.

Noong ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ), nalugi ang fruit stand ni Joan at si Sherwin naman ay naging LSI o “locally stranded individual” sa Rizal, kung saan siya nagtatrabaho.

Para matustusan ang pangangailan ng kanilang pamilya, napilitan si Joan na pasukin ang pagiging construction worker kahit na peligroso ang ganitong trabaho.

Si Joan habang umaakyat ng scaffolding

Marami ang humanga sa pagiging maabilidad na ina ni Joan, at marami rin ang naantig sa kanyang pagsasakripisyo alang-alang sa kanyang pamilya.

Source: GMA Public Affairs (YouTube)

Upang maibsan ang hirap na nararanasan ng pamilya nina Joan at Sherwin, tinupad ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales ang natatanging hiling ng kanilang puso na muling magkasama-sama bilang pamilya.

Muling pagkikita nina Joan, Sherwin, at mga anak nila

At siyempre pa, marami pang dagdag na regalong handog ang 'Wish Ko Lang' para sa pamilya ni Joan, kabilang na ang bagong e-bike para sa kanilang bagong prutasan, online business ng beauty products, scholarship grant para sa panganay nilang si Kryzia, bagong laptop, pocket Wi-Fi, cellphone, at 'Wish Ko Lang' savings.

Ang malaking sorpresa ng 'Wish Ko Lang' para kina Joan

Natuwa ang mga Kapuso viewers at netizens na muli nang nagbalik ang 'Wish Ko Lang' para matulungan ang mga tulad ng pamilya ni Joan.

Kaya kung gusto ninyo ng inspirasyon at pag-asa ngayong panahon ng pandemya, manood lang ng 'Wish Ko Lang' tuwing Sabado, alas-kuwatro ng hapon sa GMA-7.

At baka isa ka na sa maswerteng matutupad ang wish na magkaroon ng bagong gadget o GMA Affrodabox sa 'Saluhin ang Iyong Hiling' promo ng 'Wish Ko Lang'.

Spread good vibes and hope this pandemic with 'Wish Ko Lang' Viber stickers

Vicky Morales grants wishes amid the pandemic with all-new 'Wish Ko Lang' episodes