Showbiz News

Single dad na may kapansanan, naiyak sa biyayang hatid ng bagong 'Wish Ko Lang'

By Racquel Quieta

Noong nakaraang Sabado, marami ang naka-relate at naantig sa kuwentong itinampok sa bagong Wish Ko Lang na pinamagatang "Single Dad."

Ito ay tungkol kay Edgar, isang ama na na-stroke at ipinagpalit ng buntis na asawa sa mas batang lalaki.

Sa kabila ng mga paghihirap at sakripisyong naranasan ni Edgar sa pagtaguyod ng kanyang dalawang anak, na naiwan sa kanya at parehong may deperensya sa paningin, tila milagro namang bumuhos ang biyaya nang tuparin ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales ang kanyang hiling.

Sa kanilang pagkikita, bumungad kay Edgar ang isang giant gift box na naglalaman ng mga sorpresang hatid ng bagong Wish Ko Lang.

Kabilang sa mga inihandog ng programa ay appliances tulad ng juicer, electric fan, at refrigerator na may lamang groceries.

Mayroon ding mga laruan at samgyupsal na pasalubong para sa mga anak ni Edgar, at may tablet at pocket Wi-Fi rin para sa kanilang online learning.

May medical assistance ding inihandog sa kanila para makapagpatingin na sila sa doktor at makapagsagawa ng diagnostic tests at angkop na treatment para sa kanyang mga anak.

At para hindi na mahirapan si Edgar sa pagwawalis, ipinagkaloob ng bagong 'Wish Ko Lang' sa kanya ang isang burger stand business at Wish Ko Lang savings.

Naiyak sa tuwa at pasasalamat si Edgar nang makita na ang lahat ng sorpresang inihanda ng programa para sa kanya.

Ani Edgar kay Vicky, “Alam n'yo, ma'am, habang lumalaki yung mga bata hindi ka talaga makakalimutan, ma'am. 'Di namin kayo makakalimutan, ma'am.”

Kaya naman ang mga viewer at netizen, pinusuan ang pagiging ulirang ama ni Edgar at ang napakalaking tulong na naibibigay ng bagong Wish Ko Lang.

Kung gusto mo ng inspirasyon at pag-asa lalo na ngayong panahon ng pandemya, tutok na tuwing Sabado sa bagong Wish Ko Lang, alas-kwatro ng hapon sa GMA-7.

Kuwento ng wonder nanay sa 'Wish Ko Lang', umantig sa puso ng viewers

Vicky Morales grateful for warm reception to all-new 'Wish Ko Lang' episodes

Manood ng 'Wish Ko Lang' at manalo ng gadgets at GMA Affrodabox!