Showbiz News

Glydel Mercado at Direk Rommel Penesa, na-challenge sa big scenes ng Wish Ko Lang

By Racquel Quieta

Ngayong Sabado, simula na ng mas pinaganda, mas pinatindi, at mas pinalaking episodes sa Winner September ng Wish Ko Lang. Ang una sa apat na episodes ngayong buwan ay ang “Nalunod” episode, sa panulat ni Evie Macapugay at sa direksyon ni Rommel Penesa.

Sina Therese Malvar, Allen Dizon, at Glydel Mercado sa “Nalunod” episode

Tampok dito ang mga premyadong aktor na sina Glydel Mercado, Allen Dizon, at Therese Malvar.

Sina Glydel at Allen ay gaganap bilang ang mag-asawang sina Liza at Albert, habang si Therese naman ang gaganap bilang ang kanilang panganay na anak na si Lovely.

Ang “Nalunod” episode ay tungkol sa pamilyang inanod ng baha ang bahay sa gitna ng malakas na ulan.

Bukod sa pagkasira at pagkaanod ng kanilang barong-barong, natangay din ng agos ng baha sa iba't ibang direksyon sina Albert, Liza, at ang kanilang dalawang anak.

Kahit na nalagay ang kanilang buhay sa panganib, pinilit pa rin ng mag-asawa na iligtas si Lovely at ang kanilang bunsong anak.

Sa isang pahayag, sinabi rin ng direktor na si Rommel Penesa na bagamat challenging ang 'new normal' setup sa taping, may mabuti rin naman itong naidulot sa produksyon ng episode.

“Medyo hirap kami sa mga eksena kasi nga puro big scenes tapos dami pang restriction kaya double job ang bawat isang crew or production staff.

“Tapos halos lahat ang breaktime na namin hindi katulad before noon na sama-sama sa isang table. Ngayon pa isa-isa ang kain kaya medyo bumilis ang break time, kaya dire-diretso lang ang trabaho ng bawat staff and crew.

“Nakabilis din yung social distancing. Walang kuwentuhan kaya mabilis ang trabaho ng bawat isa.”

Glydel Mercado sa online press con ng Winner September ng Wish Ko Lang

Samantala, sa online press con naman para sa Winner September ng Wish Ko Lang, inamin ni Glydel na naging challenging ang kanilang taping para sa “Nalunod” episode, bukod kasi sa dagdag na pag-iingat dahil sa pandemya, ngayon lang din daw naransan ni Gydel na maraming beses mabasa para sa isang episode.

“Ngayon lang siguro ako nakaranas ng from first sequence up to the last sequence na basa ako, nasa tubigan talaga yung eksena namin. So, siguro nung araw na 'yon naka-tatlong ligo ako doon sa set.

“Inuna muna kasi noong morning yung basang eksena namin then yung gitna yung tuyo, so naligo ako. So, basa, tuyo, tapos basa ulit. Tapos all throughout basa na 'yon hanggang sa na-pack up kami. So 'yon siguro yung pinaka-challenging na ginawa ko.

“Tapos nagda-dialogue pa kayo habang nakalubog kayo sa tubig, kaya medyo ang dami kong nainom na tubig noon. Tapos umuulan pa dahil may bagyo. Kaya napaka-challenging talaga.

“Ang hirap. Ang hirap magkakitaan 'pag pinaandar na nila yung rain effect. Ang hirap magkakitaan tapos makita kung nasaan yung mga characters na hinahanap mo. Ang hirap talaga.”

Huwag palampasin ang mga malalaking eksena at ang nakakaantig na kuwentong tampok sa “Nalunod” episode ngayong Sabado sa Wish Ko Lang, alas-kwatro ng hapon sa GMA-7.

RELATED:

Manood ng 'Wish Ko Lang' at manalo ng gadgets at GMA Affordabox!