Showbiz News

Abangan ang masalimuot na buhay pag-ibig ni Anton sa 'The Penthouse'

By Dianara Alegre

Kabilang sa cast ng hit Korean drama series na The Penthouse ang aktor na si Yoon Jong-hoon bilang si Anton, ang doktor na asawa ni Scarlet (Kim So-yeon).

Source: yoonjongactor_official (Instagram)

Tungkol ang The Penthouse sa mayayamang pamilyang nakatira sa 100-floored luxury apartment, ang Hera Palace. Marami ang nag-aasam na tumira sa marangyang apartment dahil bukod sa magandang amenities nito, dito rin nakabatay kung gaano kalakas ang impluwensiya sa lipunan ng residente.

Iikot ang istorya sa ambisyon ng mga karakter na maipasok ang kanilang mga anak sa prestihiyosong school for arts, ang Cheong-ah Arts School. Gagawin nila ang lahat para matulungang makapasok ang mga ito sa pinapangarap na eskwelahan kahit pa sa hindi patas na laban.

Galing lamang sa simpleng pamilya si Anton ngunit siya ang napiling pakasalan ni Scarlet dahil siya ang mahal nito. Nagkaroon sila ng anak, si Camille (Choi Ye-bin), na pangarap na maging isang sikat na opera singer tulad ng kanyang ina.

Source: yoonjongactor_official (Instagram)

Si Scarlet ang isa sa pinakasikat na opera singer sa South Korea. Nakuha niya ang naturang titulo matapos kilalanin bilang ang pinakamagaling na singer sa Cheong-ah Arts School, ang prestihiyosong art school sa bansa.

Ngunit sa paglipas ng mga taon, 'tila nagiging matamlay ang pagsasama nina Anton at Scarlet, dahilan para maghangad si Scarlet na angkinin ang asawa ni Simone (Lee ji-ah) na si Dante (Uhm Ki-joon).

Bukod sa malakas na impluwensiya ni Dante sa lipunan dahil sa mga negosyo nito, nais ni Scarlet na mapasakamay ang karangyaang tinatamasa ni Dante at ng asawa nitong si Simone.

Sa kabilang banda, muli namang mag-aalab ang damdamin ni Anton para sa dating girlfriend nitong si Cindy (Eugene), ang matinding karibal ni Scarlet sa Cheong-ah Arts School, nang muli silang magkita.

Maliit lamang ang mundong kanilang ginagalawan dahil iisang eskwelahan ang nais pasukan ng kanilang mga anak, na kapwa nangangarap na kilalaning mahusay na opera singer.

Ngayong nawawalan na ng init ang pagsasama nina Anton at Scarlet, muli kayang buhayin ni Anton ang dating pagmamahalan nila ni Cindy?

Abangan ang mahusay na pagganap ni Yoon Jong-hoon bilang si Anton sa The Penthouse, mapanonood na simula Lunes, April 26, sa GMA!

Samantala, kilalanin ang powerhouse cast ng The Penthouse sa gallery na ito: