Showbiz News

Oh My Baby: Hindi na naitago ni Christian ang tunay na nararamdaman kay Charie | Week 3

By Aimee Anoc

Sa ikatlong linggo ng Oh My Baby, ibinigay sa The Baby magazine ang proyekto para mas maipakilala pa ang Mureung City sa publiko. Dahil sa bumababang sales, walang nagawa si Editor Shim kundi tanggapin ang nasabing proyekto.

Nang pipili na siya ng tao para magpunta sa Mureung City, walang sinuman ang may gusto kaya naman kay Charie (Jang Na-ra) nabaling ang kanyang tingin. Kahit na hindi pa dapat magtrabaho, tinanggap ni Charie ang proyekto.

Hindi naman makakasama kay Charie ang mismong photographer ng The Baby dahil sa isang aksidente. Kaya naman pinakiusapan nito si Christian (Ko Jun) na siya na muna ang pumalit sa kanya. Ayaw tanggapin ni Christian ang trabaho dahil nahihiya pa rin itong makita si Charie.

Nang nasa airport na si Charie, tinawagan nito ang photographer ng The Baby para tanungin kung sino ang makakasama niya sa business trip. Maya-maya pa ay nakita na niya si Christian na papalapit sa kanya.

Napansin ni Christian ang takot ni Charie nang papalipad na ang eroplano kaya naman hinawakan niya ang kamay nito. Naging panatag naman si Charie sa ginawang ito ni Christian.

Hindi naging maganda ang unang araw nina Charie at Christian sa Mureung City dahil sa biglaang pagbuhos ng malakas na ulan. Dahil dito, kinailangan nilang magpalipas ng gabi sa siyudad.

Hindi naman naiwasan ni Gerry (Park Byung-eun) na mag-alala nang sobra kay Charie dahil alam nitong si Christian ang kasama nito. Kaya naman maya't maya ang tawag nito kay Charie. Hindi maikakaila na may nararamdaman na rin si Gerry para kay Charie.

Patuloy na panoorin ang Oh My Baby, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m, at Sabado, 10:45 a.m sa GMA bago mag-Eat Bulaga.

Samantala, balikan ang mga eksena sa Oh My Baby:

Oh My Baby: Charie and Christian get stranded | Episode 13

Oh My Baby: Christian regrets not kissing Charie | Episode 14

Oh My Baby: Charie's info gets leaked | Episode 15

Oh My Baby: No child for Christian | Episode 16