
Tampok sa isang short promotional video ng Tourism Promotions Board Philippines ang hit family drama ng GMA na Pulang Araw.
Sa Facebook at Instagram story ng nasabing organisasyon, ibinahagi nito ang larawan ng naging taping ng serye sa itinuturing na isa sa mga world heritage site sa bansa na Intramuros sa Maynila.
Matatandaan na ang “Walled City” na Intramuros ang isa sa mga lugar noon na labis na naapektuhan ng World War II sa labanan ng mga Hapones, Amerikano, at mga Pilipino.
Bahagi rin ng naturang promo video ang isa sa mga bida ng serye na si Barbie Forteza.
“Love Pulang Araw, love the Philippines,” sabi ng aktres.
Sa recent episodes naman ng nasabing serye, napanood ang mas komplikadong sitwasyon ng mga bidang sina Eduardo, Adelina, Teresita, at Hiroshi, na ginagampanan nina Barbie, Sanya Lopez, David Licauco, at Alden Richards. Ito ay dahil sa masasamang hangarin ng mananakop na Hapones kabilang si Col. Yuta Saitoh na binibigyang buhay ni Kapuso Drama King Dennis Trillo.
Samantala, wagi naman bilang National Winner sa Best Promo/Trailer category ang Pulang Araw sa prestihiyosong Asian Academy Creative Awards 2024. Bukod dito, nominado rin ang nasabing hit family drama ng GMA bilang Best Soap/Telenovela sa Venice TV Awards 2024.
Patuloy na subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: Pulang Araw: Ang mga unang larawan